November 17, 2024

MGA BAHO SA MENTAL HOSPITAL, SUMINGAW

Hindi kaaya-aya ang umalingasaw na baho at kalokohan sa National Center for Mental Health (NCMH) na inimbestigahan ng Senado kamakailan.

Sa ginanap na hearing ng Senate Committee on Health, nabulgar ang multi-million contract  para sa mga pagkain ng mental patients mula sa dating P80 milyon kada taon ay naging P250 milyon ang halaga nito.

Sa lumang sistema, ibini-bid at niluluto ng mga dietitian sa NCMH ang  raw food products. Pero sa umiiral na bagong sistema, ini-outsource ito para daw maiwasan ang pilferage sa pagkain.

Ikinagalit ni Senator Raffy  Tulfo naging palusot ni NCMH Chief Dr. Noel Reyes  dahil sa halip na ayusin ang problema sa pilferage gaya ng pag disiplina sa mga tao niya na sangkot sa pagnanakaw ng mga pagkain,

Dahil sa outsourcing, mas napamahal ang presyo ng food supply at nabigyan pa ng tatlong taon kontrata ang catering services na nanalo diumano sa bidding procedure.

Sa unang taon ay bini-bid ito at sa pangalawa hanggang pangatlong taon ay renewal at renegotiation na lamang.

Ang masaklap pa, nakapaloob sa kontratang ito ang pagbiyak sa tatlong magkakahiwalay na kontrata para sa agahan, tanghalian at hapunan kaya ang dating P80 milyon kada taon na kontrata para sa pagkain ay lumundag ng P250 milyon, hanggang sa aabot na sa mahigit P300 milyon kada taon bago matapos ang contract. Ito ay maliwanag na technical malversation!

Inamin ni Reyes na may problema sa sistema at nangako siyang maisaayos ang pamamalakad ng NCMH sa loob ng kanyang termino kaya kalaunan ay pumayag din siya sa suhestiyon ni Sen. Tulfo na itigil na ang pag-a-outsource na tumataga sa gobyerno ng daan-daang milyong piso at ibalik sa dating polisiya.

Mas malaki ang matitipid ng gobyerno at mapupunan ng sapat ang kinakailangang nutrisyon ng mga pasyente.

Kahina-hinala anya na pagpapahintulot kay Engr. Evelyn Purino, isang mataas na empleyado ng NCMH, na ipamigay ang lupa ng institusyon para sa ilang projects ng ilang government officials na ang kapalit ay siya na ang magiging contractor ng proyekto at kasama niya raw rito ang kanyang anak na isang Engineer sa Department of Public Works and Highway (DPWH).

Inalmahan pa ng Senador ang Sunshine Recovery, isang psychiatric center na sinasabing pagmamay-ari ng NCMH officials na sina Dr. Beverly Azucena at Dr. Alden Cuyos dahil mahigpit itong pinagbabawal ng batas.

Dahil dito, inatasan ni Sen. Tulfo si Reyes na sabihang mag-divest ang dalawa ng kanilang shares sa Sunshine Recovery. Agaran namang pumayag si Reyes dito.

Sumangayon din si Reyes kay Sen. Tulfo nang sabihin nitong dapat nang tanggalin sa pwesto at palitan si Dr. Azucena at Dr. Cuyos ng bagong opisyal na malinis ang pangalan at walang bahid ng katiwalian.

Sinabi ni Sen. Tulfo na ang mga pasyente sa NCMH ay walang kakayahang makapagreklamo kaya sila ay matagal nang inaabuso, pero magmula ngayon ay hindi na sila maapi dahil mayroon na silang boses na malakas at nakabibingi – at ‘yan ay ang boses ng Senado.

Napapanahon na para putulin ng Senado ang sungay, pangil at buntot ng lahat ng mga taong sangkot sa katiwalian at baluktot na gawain sa NCMH.

Para sa inyong komento at suhestyon, ipadala lang sa [email protected].