Inalerto ng Meralco ang publiko laban sa kumakalat na text scam na nagpapanggap na may “adjustment refund” para mangikil gamit ang mga e-wallet!
Palusot ng mga scammer, may refund daw na matatanggap kung mag-click sa link na kalakip ng text message. Pero huwag padala! Gamit daw nila ang SMS spoofing para magmukhang galing sa official e-wallet platform ang pekeng mensahe.
Ayon kay Joe R. Zaldarriaga, Meralco VP at Head ng Corporate Communications, hindi ginagamit ng Meralco ang e-wallet o third-party apps para mag-refund.
“Hindi kami nagpapadala ng refund via text at hindi namin hihingin ang e-wallet details ninyo,” giit niya.
Ang tunay na refund ng Meralco ay diretso na ibinabawas sa inyong kuryente bill — walang kailangan na i-click na link!
Paalala rin ng Meralco, gawin ang lahat ng transaksyon sa opisyal nilang business centers o opisyal na communication channels lang.
Para sa tunay na balita, sundan ang Meralco sa Facebook (www.facebook.com/meralco), sa X (dati Twitter) @meralco, o tumawag sa 16211 at mag-text sa 0920-9716211 o 0917-5516211.
