June 1, 2025

Meralco VP Joe Zaldarriaga: Iberian Blackout binigyang liwanag

Binigyang linaw ni Joe Zaldarriaga, Vice President at Head of Corporate Communications ng Manila Electric Company (Meralco), na maaaring malagay sa kaparehong panganib ang Pilipinas kung ipipilit ang mabilisang paglipat sa renewable energy nang walang sapat na paghahanda sa imprastruktura.

Ang babala ay kasunod ng malawakang blackout sa Iberian Peninsula noong nakaraang buwan na tumama sa mainland Portugal at peninsular Spain, kung saan naranasan ang pagkawala ng kuryente ng mahigit 10 oras — at umabot pa ng 16 oras sa ilang lugar. Nakaapekto ito sa telekomunikasyon, transportasyon, at iba pang mahahalagang serbisyo.

Ayon sa grid operator ng Spain na Red Eléctrica, sanhi ng blackout ang kakulangan sa voltage regulation mula sa mga pangunahing planta. Sinisi rin ng mga kumpanyang Iberdrola at Endesa ang luma at hindi sapat na interkonektadong grid systems.

Sa kayang column sa Philippine News Agency (PNA), sinabi ni Zaldarriaga na nakapanayam niya si  Engr. Froilan J. Savet, First Vice President at Head of Networks ng Meralco, kung saan ipinaliwanag nitong ang Iberian blackout ay hindi bunga ng renewable energy failure kundi ng problema sa inertia ng power grid — dulot ng mabilisang pag-integrate ng variable renewable sources gaya ng solar at wind.

“Kapag masyadong mataas ang share ng intermittent energy sa grid, bumababa ang system inertia. Kapag may power swing, walang sapat na stabilizing force — kaya bumabagsak ang buong sistema,” paliwanag ni Savet kay Zaldarriaga.

Giit ni Zaldarriaga, hindi dapat ituring na baseload ang renewables sa kasalukuyan hangga’t wala pang malawakang energy storage at flexible generation mix. Aniya, mahalaga ang green energy, pero hindi ito pwedeng ipilit kung hindi pa handa ang grid.

“Ang leksyon dito ay simple: kung mabilis ang transition pero mabagal ang preparasyon ng imprastruktura, may panganib tayong masadlak sa isang blackout na kasing-lala ng sa Spain at Portugal,” babala ni Zaldarriaga.

Layunin ng Philippine Energy Plan na mapataas sa 35% ang renewable share sa power mix sa taong 2030, at 50% pagsapit ng 2040. Ngunit ayon sa Meralco, kailangan munang tutukan ang mga sumusunod:

•           Grid modernization upang mapanatili ang stability;

•           Energy storage systems para sa back-up supply;

•           Balancing power plants gaya ng hydro, natural gas, at iba pang flexible sources.

Ayon kay Zaldarriaga, hindi lamang dapat supplier ng kuryente ang mga distribution utilities gaya ng Meralco — kundi tagapagtanggol ng grid resilience at katuwang sa pagplano ng matalinong integration ng renewables.

“Hindi natin dapat bitawan ang green agenda, pero hindi rin tayo pwedeng pumikit sa mga panganib. Kailangang magtulungan ang pamahalaan at pribadong sektor para sa isang balanseng transition,” ani Zaldarriaga.

Dagdag pa ni Zaldarriaga, ang tunay na sukatan ng tagumpay sa transition ay hindi lang kung gaano karami ang renewable, kundi kung gaano ito ka-reliable at ka-stable. “Ang Iberian blackout ay isang paalala — na ang green future ay hindi lang tungkol sa kalikasan, kundi sa kaligtasan, kahandaan, at katarungan para sa lahat ng Pilipino,” pagtatapos niya.