NAGPAABOT ng kanyang pakikiramay si Navotas City Mayor John Rey Tiangco sa nangyaring pagkamatay ng 17-anyos na Navoteño na binaril ng mga miyembro ng Navotas police dahil sa mistaken identity.
“Kami sa pamahalaang lungsod ay nagpaabot ng aming taos-pusong pakikiramay sa pamilya ng biktima at nangakong ibibigay sa kanila ang tulong na kanilang kailangan,” pahayag niya.
Sinabi naman Navotas police chief P/Col. Allan Umipig na ang mga protocol para sa pagdakip sa mga suspek ay dapat nasa lugar at sinusunod sa lahat ng oras.
Nahaharap naman ngayon ang nasasangkot na mga pulis sa kasong kriminal at administratibo. Nangako naman si Mayor Tiangco na ibigay sa biktima at sa kanyang pamilya ang mabilis na hustisyang nararapat sa kanila.
Nauna rito, may tinutugis umanong murder suspect ang mga pulis hanggang makatanggap sila ng impormasyon na nakita ang salarin sa tabing ilog ng Babanse St. Brgy. NBBS kaya kaagad nagtungo ang mga ito sa naturang lugar.
Inabutan nila ang dalawang lalaki na nakasakay sa bangka, kabilang ang binatilyo subalit, tumalon umano sa tubig ang biktima nang makita ang mga pulis at dito na siya pinaputukan ng mga pulis na tumama sa ulo.
Napagalaman na bunso ang biktima at nag-iisang lalaki sa tatlong magkakapatid na nasa pangangalaga ng kanilang mangingisdang ama habang nasa Doha, Qatar naman ang kanilang ina.
Humingi na ng tulong ang ina ng biktima sa Department of Migrant Workers (DMW) upang makauwi sa bansa at makita sa huling sandali ang bunsong anak at nangako naman si Usec. Hans Leo Cacdac na tutulungan nila ang ina.
More Stories
ZERO BUDGET DESERVE NI VP SARA – ESPIRITU
IMEE, VILLAR UMABOT NA SA P1-B ANG GASTOS SA POLITICAL ADS
KUWAITI NATIONAL UMAMIN SA PAGPATAY SA OFW