November 5, 2024

MAYOR SOTTO BINANTAAN ANG MGA KORAP SA PASIG CITY HALL

Binalaan ni incumbent Pasig City Mayor Vico Sotto ang mga empleyado ng Pasig City Hall na sangkot sa korapsyon at under-the table transactions na iwasan ang mga ganitong gawain dahil sila ay “nakikipaglaro sa apoy” at handa niya itong ipakulong lahat.

Sa ginanap na weekly morning assembly ng lokal na pamahalaan, ibinunyag ni Sotto na nakatatanggap pa rin siya ng  mga reklamo at ulat kaugnay sa korapsyon at pangingikil na kinasasangkutan ng city government employees partikular sa City Assessor’s Office at Office of the Building Official.

“Ang dalawang opisina po ninyo noong nakaraang anim na buwan, dumadami na naman ang mga reklamo patungkol sa korupsyon at katiwalian. Dumadami na naman ang mga report na mayroon mga humihingi, mga tumatanggap, mga naninigil,” saad ni Sotto.

“Doon sa mga kasama natin na gumagawa pa rin ng mga bagay na ito, kailan ba tayo titigil? Noong nakaraang linggo lamang, Mayroon na naman report. Kawawa yung senior citizen, pabalik-balik sa assessor’s office. Pinapahirapan siya. Hindi ko na muna babanggitin yung detalye pero sa dulo hinihingan siya ng ochenta mil ata ‘yon,” dagdag pa nito.

Sinabi ng alkalde na alam ng lahat ng nagtatrabaho sa pamahalaang lungsod kung ano ang tama at mali at ginagawa ng kanyang administrasyon ang lahat upang mabigyan ng dignidad at makatarungang benepisyo ang mga empleyado ng pamahalaang lungsod.

“Tayo po ni-minsan, kahit sa gitna ng pandemya, hindi tayo nangamba na mawawalan tayo ng trabaho. Tayo po may seguridad tayo sa ating mga trabaho. Panahon na kapag may negosyo ka, kinakabahan ka noong ECQ, baka ‘di na kumita, baka magsara na. Kung nagtatrabaho ka sa call center, anytime baka magretrenchment. Nagtatrabaho ka sa construction, ilang buwan bawal ang construction. Ni hindi tayo kinabahan na mawawalan tayo ng trabaho. Alam natin tuloy-tuloy ang trabaho natin, iyon man lang tanawin nating utang na loob sa taong-bayan dahil meron tayo,” aniya.

“Di naman siguro ako nagkulang sa pagbibigay ng warning, sa pagpapaalala sa atin na magtrabaho tayo ng tapat. Kung dati pwede iyong ganon, ngayon hindi na. Kung dati okay lang iyon, hinahayaan, ngayon hindi na. Magtrabaho tayo ng tapat. Gawin natin ang trabaho ng maayos. Makuntento tayo sa sahod natin. Kung ano mang bonus ang meron tayo…kung ano ang kayang ibigay, ano ang legal, anong pwede, gawin natin. Kaya nakakadismaya pag may naririnig tayo ng ganitong bagay,” dagdag pa niya.

Ikinuwento pa ng alkalde na sa kabutihang palad ay hindi nagsampa ng anumang legal na reklamo ang senior citizen laban sa empleyado ng assessor’s office na humihingi ng pera at sa halip ay ipinaalam lamang sa kanila ang nangyayaring katiwalian.

Pinaalalahanan niya ang lahat ng sangkot sa katiwalian sa pamahalaang lungsod na hindi siya magdadalawang isip na magsampa ng mga legal na reklamo laban sa kanila at ipapakulong.

“Noong 2019, warning. 2020 Mayroon na tayong mga inentrap, may mga pending na na kaso,” kwento ng alkalde.

“Kung mayroon man akong maipagmamalaki bilang mayor ng isang taon, iyon po ay ang pinakamalaking korupsyon sa city hall noon, wala na ngayon. Pag may nakita tayo, hindi tayo magbubulag-bulagan. Kahit mahirap, hindi tayo magpapatinag. Pumasok ako sa gobyerno para maging instrumento ng pagbabago. Ang tanong, nakikita ba natin kung bakit kailangan natin ang pagbabago na ito, bakit tayo naglilinis ng pamahalaan kung patuloy tayo nagbubulag-bulagan, nagbibingi-bingihan?” giit pa niya.