Nanumpa na sa kanilang tungkulin si Las Piñas City Mayor Imelda ‘Mel’ Aguilar at anak nitong si Vice Mayor April Aguilar, na ginanap sa tanggapan ng punong lungsod, Las Piñas City Hall ngayong Huwebes, Hunyo 30.
Pormal na nanumpa ang mag-inang Aguilar kay Las Piñas Regional Trial Court (RTC) Executive Judge Elizabeth Yu-Guray kasama ang mga nanalong konsehal sa nakalipas na pambansa at lokal na halalan noong Mayo 9.
Gagampanan ni Mayor Aguilar ang kanyang pagseserbisyo sa kanyang kababayan para sa ikatlo at huling termino bilang alkalde ng lungsod.
Nangako ang alkalde ng tuluy-tuloy at mas maayos na serbisyo para sa mga Las Piñeros sa pamamagitan ng “Tuloy ang Tapat at Progresibong Serbisyo” program.
Sinabi pa ni Mayor Aguilar na sa kanyang huling termino bilang alkalde ng Las Piñas ay lalong tututukan nito ang mga serbisyong pangkalusugan lalo na ang pagbabakuna para sa proteksiyon ng mga mamamayan nito laban sa Covid-19.
Naniniwala rin si Mayor Aguilar sa mga halal na konsehal ng City Council sa ilalim ng pamumuno ni Vice-Mayor April na mas pag-iigihan pa ang kanilang pagtatrabaho at patuloy sa pagtataguyod ng mga resolusyon at ordinansa upang maging lalong progresibo o maunlad ang lungsod at sa ikabubuti ng mga taga-Las Piñas.
Idinagdag pa ng alkalde na ipagpapatuloy nito ang nasimulang mga serbisyo at programa sa kanyang administrasyon at kinakailangan lamang aniya na doblehin ang mga hakbang para sa mas magandang benepisyo sa mga Las Piñeros.
Kasama ng mag-inang Aguilar na nanumpa sa kanilang tungkulin ay ang mga konsehal ng District 1 na sina Kons. Mark Anthony G. Santos; John Jess Anthony C. Bustamante; Felimon A. Aguilar III; Rex H. Riguera; Oscar C. Peña at Florante S. Dela Cruz.
Habang sa District 2 naman sina Kons. Henry C. Medina; Luis I. Bustamante; Ruben C. Ramos; Lord Linley R. Aguilar; Danilo V. Hernandez at Emmanuel Luis C. Casimiro.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA