Mariing pinabubulaanan ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon ang kumakalat na larawan ng umano’y tarpaulin ni Mayor Jeannie Sandoval na kahalintulad ng Mahal na Birheng Maria.
Ayon sa LGU, hindi ito totoo at batay sa kanilang pagsusuri ay AI-generated at manipuladong nilalaman na hindi nagmula at hindi inaprubahan ng tanggapan ng Punong Lungsod.
Mahigpit na sinusunod ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon ang mga alituntunin ng DILG na nagbabawal sa paglalagay ng larawan ng mga opisyal ng pamahalaan sa mga tarpaulin. Malinaw anila na ang kumakalat na imahe ay hindi lehitimo at walang kaugnayan sa alinmang opisyal na programa o komunikasyon ng lungsod.
Ang ganito anilang paggamit ng banal na imahen ay isang kalapastanganan (sacrilege). Bilang isang debotong Katoliko, hindi kailanman gagawa o papayag si Mayor Jeannie Sandoval sa anumang makalalapastangan sa ating pananampalataya.
Sinabi pa ng LGU na peke rin ang kumakalat na pahayag ng umano’y paghingi ng paumanhin at hindi rin nagmula sa Mayor o sa alinmang opisyal na channel.
Hinihikayat ng Pamahalaang Lungsod ang publiko na maging mapanuri at huwag basta magbahagi ng hindi beripikadong impormasyon at sumunod lamang sa mga opisyal at mapagkakatiwalaang pahayag.
