December 23, 2024

Matapos mag-trending: Nakawalang ostrich sa QC, inadobo

SA kawali ang naging bagsak ng isang ostrich na  nag-viral nitong kamakailan lang matapos makawala sa isang subdibisyon sa Quezon City.

Ayon kay Atty. Charlie Pascual, abogado ni Jonathan Cruz, na may-ari ng ostrich, kinarne at inadobo na raw ang nasabing ibon.

“Noong bumisita po si Mr. Cruz, ni-report po ng mga tao niya na sila ay nanghihinayang sa karne ng ostrich. Nabigla po si Mr. Cruz, wala po sa kanyang kontrol. Nailuto na po ng mga boy ‘yung namatay na ostrich,” ayon kay Pascual.

Matatandaan na kumalat sa social media ang video ng nasabing ostrich na makikitang tumatakbo sa kalsada ng Mapayapa Village sa Quezon City.

Ngunit noong Sabado ay binahagi ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) spokesperson Benny Antiporda na ayon kay Cruz ay namatay na raw ang nasabing ostrich dahil sa stress.

Sa imbestigasyon ng DENR, nakita na mula sa Misamis ang ostrich na dadalhin dapat sa Nueva Ecija, kaya pinagtataka nila kung papaanong napunta sa Mapayapa Village ang ibon.

Samantala, hindi maitago ng mga netizen ang pagkainis sa may-ari ng wildlife animal dahil sa pagluto dito.