January 23, 2025

Matapos ang tatlong dekada…. TAONG-AHAS SA ROBINSON, TINULDUKAN NI ALEX DIXON

TULAD ng kanyang pangako, tinuldukan na ni Alice Dixson ang mga ispekulasyon kaugnay sa tinaguriang “taong ahas” urban legend na kanyang kinasangkutan habang nasa Robinson Mall sa Ortigas.

Nabatid na may tatlong dekada na ang nakakaraan mula nang pag-usapan ang naturang kuwento, pero ngayon lamang daw naging handa ang 50-year-old actress para sa detalyadong bersyon mula mismo sa kanya.

Sa kanyang bagong vlog sa YouTube, ginunita ni Alice ang umano’y mga nangyari noong mga panahong iyon.

Kuwento ni Dixson, nagpapalit raw siya ng costume noon para sa ginagawa niyang pelikula nang bigla niya na lang binitawan ang salitang “Tuklaw” ng dalawang beses.

Bagama’t hindi na maalala ang eksaktong dahilan kung bakit niya ito nabanggit, maaaring may kinalaman aniya ito sa pelikulang “Tuklaw” ng kanyang lead actor sa “Dyesebel” na si Richard Gomez.

Kaagad daw niyang pinabulaanan nang lumabas ang kuwento tungkol sa nasabing taong ahas, ngunit nagpatuloy ang kuwento ng ilang buwan sa kabila ng kanyang pananahimik.

“In my defense, even before kahit ngayon ‘pag mayroong hindi totoong rumor — if there’s something false that’s circulating — naniniwala akong hindi ko kailangang patulan. I don’t have to be defensive about it. Kaya that’s one of my reasons why hindi ako nagkomento noon,” bahagi ng paglilinaw ni Dixson.

Sa ngayon ay umaasa ang Binibining Pilipinas International 1986 na ito na ang una at huling beses na magpapaliwanag siya tungkol sa kontrobersyal na urban legend.

Nabatid na matagal nang naging palaisipan sa publiko ang umano’y pagsusukat ni Dixon sa fitting room nang bigla itong kinuha raw ng snake man mula sa sahig na kanyang kinatatayuan, pero nakatakas.

Sinasabing binayaran na lamang ang aktres ng pamilya ng may-ari ng mall upang manatiling sikreto ang kanyang sinapit. Una na niyang nilinaw na hindi niya intensyon na “buhayin sa wala” ang isyu.