NAKATAKDANG ipamahagi ang 2,600 unit ng body-worn camera na gagamitin ng mga pulis partikular sa anti-drug operation ng Philippine National Police.
Matatandaan na tatlong taon na ang nakalilipas nang ipanawagan ang transparency sa mga operasyon ng pulisya matapos mapatay ang 17-anyos na si Kian delos Santos sa kamay ng pulisya.
Ayon kay PNP Chief General Camilo Cascolan, ito’y bilang tugon sa mga katanungan ng isa pang dating hepe ng pulisya na si Senator Ronald dela Rosa habang ipinepresinta ang proposed budget ng PNP para sa 2021 sa Senate panel.
Tinanong kasi ni Dela Rosa ang PNP ang tungkol sa pagkuha at paggamit ng ahensiya ng mga body camera, na nasa pipeline mula pa noong 2017, nang siya ay hepe pa ng PNP.
Sinabi rin ni Cascolan na susuriin muna ang 2,600 body camera sa Oktubre 12 bago ito ipamahagi sa mga police field units. Tinatayang may P287 million na alokasyon sa naturang camera.
“The protocol on the use and the procedures of maintaining these body cameras was actually approved by you,” saad ni Cascolan kay Dela Rosa.
Hindi pa rin malinaw kung paano magpapasya ang PNP kung aling mga istasyon ng pulisya ang uunahin para sa mga body camera.
Bago pa man ang pamamahagi ng PNP, gumagamit na ng body camera ang ilang police station tulad sa Pasig City na nagmula sa natanggap ng tulong pinansiyal ng lokal na pamahalaan at mga pribadong indibidwal.
Ang paggamit ng body camera ay upang mapigilan ang pang-aabuso ng pulisya lalo na sa anti-drug operations na nauuwi sa paglabag sa karapatang pantao.
Lumutang ang pagbili ng body camera noong 2017 kasunod nang pagkamatay ni Kian. Nakuhanan ng CCTV camera ang pinaniniwalaang mga police-Caloocan na kinakaladkad ang binatilyo sa isang madalim na eskenita bago ito pinatay.
Una nang planong bumili ng PNP ng 12,476 body cameras noong Hunyo 2018 matapos pondohan ito ng P334 milyon para mabili ang nasabing gadget.
Pinili ng PNP ang EVI Distribution ang siyang winning bidder sa body camera system.
Naantala ang delivery nito dahil sa travel restriction na ipinatupad sa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA