SUGATAN ang isang matandang binata nang makipag-agawan sa hawak na baril ng lalaking naniningil ng utang ng kanyang kapatid na babae Lunes ng madaling araw sa Malabon City.
Kaagad na isinugod sa Tondo Medical Center ang biktimang si Nolito Lolinco, 51 at residente ng Block 50 Lot 6 Maya-Maya Street, kanto ng Marteniko Street, Barangay Longos, matapos magtamo ng isang tama ng bala sa kanang hita habang mabilis na tumakas ang suspek, sakay ng isang tricycle na minamaneho ng kanyang kasabuwat.
Sa ulat nina P/SSg Ernie Baroy at P/SSg Bengie Nalogoc kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, puwersahang pumasok ang suspek na may suot na face mask sa bahay ng biktima dakong alas-2:50 ng madaling araw, bitbit ang hindi pa batid na kalibre ng baril, at kaagad na umakyat sa ikalawang palapag ng bahay kung saan naroon ang kapatid ni Nolito na si Marissa Lolinco.
Pilit na sinisingil umano ng suspek si Marissa sa malaking halaga ng pagkakautang at sa takot na barilin siya ng lalaki, nagsisigaw na humingi ng tulong na dahilan upang saklolohan ng kapatid.
Nang makita ng biktima na armado ang suspek, sinunggaban niya ang baril at nakipag-agawan hanggang sa pumutok at tamaan siya sa kanang hita.
Nang dumating ang mga imbestigador at tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), nakuha nila ang isang slug ng hindi pa batid na kalibre ng baril na isasailalim sa ballistic examination.
Nagtaka naman ang mga imbestigador kung bakit tumakas at hindi humarap sa pulisya si Marissa upang magbigay-linaw sa insidente kaya’t bukod sa mga suspek, isinama na rin siya sa mga hinahanap ng pulisya sa ginagawang follow-up operation. (JUVY LUCERO)
More Stories
P761K droga, nasamsam sa Caloocan buy bust, 3 tiklo
Leader ng “Melor Robbery Gang” na wanted sa Valenzuela, timbog!
VP Sara tinatakasan P612.5-M confidential fund