June 25, 2025

Mass Resignation sa BARMM, Iniutos ni Macacua

COTABATO CITY — Sa gitna ng mga reklamong bumabalot sa ilang tanggapan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), iniutos ni Interim Chief Minister Abdulraof Macacua nitong Lunes, Hunyo 23, ang pagsumite ng unqualified courtesy resignations ng lahat ng appointed ministers, deputy ministers, at heads of offices at agencies sa rehiyon.

Batay sa Memorandum Circular 007, ang lahat ng nasasaklaw na opisyal ay inatasang magsumite ng kanilang pagbibitiw hindi lalampas sa Hunyo 30. Ang sinumang hindi susunod ay ituturing na “awtomatikong nagbitiw” sa puwesto.

Ayon sa direktiba, nananatili munang naka-duty ang mga opisyal upang ipagpatuloy ang kanilang routinary functions na hindi nangangailangan ng diskresyon, habang inaantabayanan ang desisyon sa kanilang courtesy resignations.

Inaasahang bahagi ito ng paghahanda para sa kauna-unahang parliamentary elections ng BARMM sa Oktubre 13, na magtatapos sa transition period ng rehiyon.

Ipinaliwanag ng utos ni Macacua na ang hakbang ay bunsod ng mga “seryoso at mabibigat na reklamo” laban sa ilang tanggapan ng regional government. Dalawang opisina ang binansagang sentro ng kontrobersiya na Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE) at Ministry of the Interior and Local Government (MILG).

Umabot umano sa ₱2.5 bilyon ang kabuuang halaga ng mga hinihinalang iregular na transaksyon — ngunit karamihan sa mga alegasyon ay isinapubliko anonymously, na nagdulot ng pagdududa sa motibo at kredibilidad ng mga reklamo.

Mariing itinanggi ni Education Minister Mohagher Iqbal ang mga paratang. Ayon sa kanya, “baseless” ang mga alegasyong may pabor-pabor sa procurement process, kabilang ang umano’y biglaang paglabas ng ₱1.7 bilyon sa loob ng isang araw para sa instructional kits.

“Lahat ng pagbili ay dumaan sa internal at external controls, ayon sa batas at patakaran ng COA,” giit ni Iqbal, na isa ring vice chairman ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Samantala, MILG Minister Sha Elijah Dumama-Alba ay mariin ding tumanggi sa alegasyong may iregularidad sa pagbili ng ₱680 milyong halaga ng bigas para sa disaster stockpile ng rehiyon.

Pinabulaanan niyang may koneksyon ang kanyang asawa sa nasabing supplier na JB Pharma and Trade Center. Giit niya, walang paboritismo at may batayan ang pagbili kahit wala raw deklaradong emergency.