September 22, 2024

Masahista bistado sa bato

Nabisto ang dalang shabu ng isang 29-anyos na massage theraphist matapos masita ng mga tauhan ng Maritime Police dahil sa hindi pagsuot ng face mask sa Navotas City.

Kinilala ni Northern NCR Maritime Police Station (MARPSTA) head P/Major Rommel Sobrido ang naarestong suspek na si Randy Fuentes, alyas “Barbie” ng Blk 32, Lot 9, Phase 2 Area 2, Tumana St., Brgy. NBBS.

Ayon kay PSMS Nemesio “Bong” Garo, dakong 9 ng umaga, nagpapatrolya ang mga tauhan ng MARPSTA sa pangunguna PLT Erwin Garcia sa Bañera St., NFPC, NBBS nang sitahin nila ang suspek dahil walang suot na face mask.

Gayunman, tinangkang tumakbo ng suspek subalit nagawa itong mahablot ni PSMS Benedicto Lapesora Jr. sa kanang balikat kung kaya’t naghinala sa kanya ang mga pulis.

Nang atasan siya na ipakita ang laman ng kanyang bulsa ay aksidenteng nahulog ang isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nasa P500 ang halaga na naging dahilan upang arestuhin ang suspek ng mga pulis.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.