December 25, 2024

MAS MARAMING BATA, VULNERABLE SECTOR TARGET MATULUNGAN NG PCSO SA 2024

Nangako ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na makikipagtulungan sa mas maraming institusyon para sa pagbibigay ng mas mataas na antas sa hanay ng mga bata at mga vulnerable sector ng lipunan.

“There are many institutions catering to our vulnerable sectors, particularly children, who need support. Makakaasa po ang mga kababayan natin na sa susunod na taon ay tututukan natin ang mga ito,” ayon kay PCSO chairperson Junie Cua.

Kamakailan lamang, binisita ni Cua ang unang SOS Children’s Village ng Pilipinas sa Lipa, Batangas, kung saan nagbitiw ng pangako ang kongresista para sa mga collaborative projects na sumusuporta sa mga programang nakatuon sa mga bata.

Ang SOS Children’s Villages ay isang international non-government organization (NNGO) na nakatuon sa pagsuporta sa mga batang walang pangangalaga ng magulang pati na rin sa mga pamilyang nasa panganib.

Binigyang-diin ni Cua ang papel na maaaring gampanan ng Institutional Partnership Program (IPP) ng PCSO sa pagtulong sa mga bata at iba pang mahihinang sektor.

“We are able to assist and support various welfare institutions and charitable medical facilities across the country through the IPP. Pipilitin po natin na mas marami pa ang makinabang na organisasyon dito upang madagdagan din ang mga batang inaalagaan natin,” ayon pa kay Chairman Cua.

Sa pamamagitan ng IPP, ang PCSO ay magbibigay ng P300,000 sa mga kwalipikadong organisasyon upang tumulong sa pagpopondo ng mga serbisyo sa kawanggawa sa mga mahihirap at marginalized na sektor sa mga lokal na komunidad. Taong 2022, pumalo sa 62 institusyon ang naghati-hati sa P28.3 milyong halaga ng tulong mula sa PCSO.