December 22, 2024

Mas mahigpit na batas vs ilegal na droga – Rep. Barbers

MULING umarangkada sa Kamara ang pagtalakay sa mga panukala upang lagyan ng pangil ang parusa sa mga kasong may kinalaman sa ilegal na droga kasunod ng panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa muling pagbabalik ng parusang kamatayan nitong kamakailan lang.

Sa pulong ng binuong Technical Working Group ng House Committee on Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, tinalakay ang House Bill 68 na inakda ng mambabatas.

Sa ilalim ng panukala ni Barbers, aamyendahan ang ilang probisyon ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Nakasaad dito ang pagpaparusa sa mga pabayang nagpapa-upa ng mga ari-arian na ginagamit bilang mga shabu laboratory.

Nais din sa ilalim nito na matiyak na lahat ng mga Filipino professional at non-professional athletes ay drug-free sa pamamagitan sa pagsasailalaim sa mga ito sa mandatory drug testing dalawang beses kada taon.

Kapag naging ganap na batas ang panukala, ang mga drug test certificate na inisyu ng mga accredited drug-testing center ay may bisa na lamang sa loob ng tatlong buwan mula sa kasalukuyang isang taon.

Pumasa na ang nasabing panukala noong 17th Congress pero dahil sa walang counter-part bill sa senado hindi na ito umusad.

Nais ni Barbers na gamitin ang Rule 48 ng Kamara kung saan ang mga panukala na naipasa sa ikatlo at huling pagbasa ay maaari nang hindi pagdebatehan sa komite bagkus ay puwede ng idiretso sa plenaryo.

Pero dahil aniya sa may mga tumutol at mayroong mga hindi pinagkakasunduang probisyon kaya sila gumawa ng TWG upang mapag-aralan ang panukala.