January 23, 2025

MARY JANE VELOSO UUWI NA SA ‘PINAS SA DEC. 18

PAUUWIIN na sa Pilipinas sa Disyembre 18 si Mary Jane Veloso, ang Pinay na nahatulan ng bitay dahil sa drug trafficking, ayon sa isang senior Indonesian official.

Matatandaan na noong nakaraang buwan ay pumayag ang Indonesia na pabalikin sa sariling bansa si Veloso, isang dating domestic helper at ina ng kanyang dalawang anak, na naaresto sa Yogyarkarta taong 2010 matapos mahulihan ng 2.6 kilo (5.73 pounds) ng heroin na nakalagay sa isang suitcase.

Ang kanyang kaso ay nagdulot ng malawakang pagkagalit at pagkabahala sa Pilipinas at ipinagpaliban ang pagbitay noong 2015 matapos umapela si dating pangulong Benigno Aquino III sa Indonesian government.

Maging si World boxing icon Manny Pacquiao ay ikinampanya siya para iligtas sa parusang kamatayan.

Si Veloso ay inilipat mula sa isang bilangguan sa Lungsod ng Yogyakarta patungo sa isang bilangguan ng mga babae sa kabisera ng Jakarta, mula kung saan siya ay lilipad patungong Pilipinas, ayon kay I Nyoman Gde Surya Mataram,  deputy ng Indonesia’s senior minister for law and human rights affairs nitong Lunes, Disyembre 16.

Babalik sa Pilipinas si Veloso upang bunuin ang natitirang bahagi ng kanyang sistensiya.