Marikina City — Pormal nang binuksan ng Pamahalaang Lungsod ng Marikina nitong Lunes, Nobyembre 17, ang taunang Christmas Shoe Bazaar, na nag-aalok ng de-kalidad at abot-kayang sapatos, bags, at leather goods para sa Kapaskuhan.
Pinangunahan ni Marikina Mayor Marjorie Ann “Maan” Teodoro ang pagbubukas ng bazaar, na itinuturing niyang mahalagang tradisyon para itaguyod ang kabuhayan ng mga manggagawa sa industriya ng sapatos, isang proyektong sinimulan noong termino ng kaniyang asawa na si Marikina 1st District Rep. Marcelino “Marcy” Teodoro.
“Taon-taon po natin itong ginagawa. Pinangunahan po ito noong panahon ni Mayor Marcy. Binigay niya po ito nang libre para makatulong sa inyo,” pahayag ng alkalde.
Ayon kay Teodoro, nananatiling pinakamahalagang panahon para sa lokal na shoe at leather industry ang Pasko, kaya’t malaking buwelo para sa mga manlilikhang Marikenyo ang taunang bazaar.
“Alam ko pong malaking bagay po ito, lalo na ngayong Kapaskuhan, para mas kumita ang ating mga magsasapatos at leather manufacturers,” aniya.
Dagdag pa niya, bukas siyang i-extend ang bazaar kung kinakailangan, ngunit nakatakda itong tumakbo hanggang 4 Enero 2026, bilang bahagi ng buong-suportang tulong ng lungsod sa sektor.
Inilarawan ng alkalde ang bazaar, na inorganisa ng Philippine Footwear Federation Inc. (PFFI), bilang isang simpleng paraan upang ipadama na hindi nag-iisa ang mga manggagawa sa pagsisikap na palaguin ang kanilang kabuhayan.
“Maliit na bagay po ito na pagtulong sa inyo, pero alam ko pong malaking bagay para sa ating mga manggagawa,” sabi ni Teodoro.
Ibinunyag din niya na sinadya nilang buksan ito bago ang mid-month payouts upang masulit ng mga negosyante ang dagsang mamimili bago mag-akinse.
Habang bukas ang 2025 edition ng bazaar, umaasa ang alkalde na mahihigitan ng mga producers ang kanilang sales noong nakaraang taon.
“Ito po ay para sa inyo. Sana po maabot at malampasan natin ang benta noong nakaraang taon—iyon po ang aking dasal,” dagdag niya.
Ngayong taon, 39 lokal na manufacturers ng sapatos, leather goods, at handcrafted bags, mula sa matagal nang family enterprises hanggang sa mga bagong brand na patok sa kabataan, ang nakibahagi sa bazaar.
Matatagpuan ang Christmas Shoe Bazaar sa Marikina Freedom Park, bukas mula 8:30 a.m. hanggang 7 p.m. tuwing Lunes hanggang Huwebes, at hanggang 8 p.m. tuwing Biyernes hanggang Linggo. (Arnold Pajaron Jr)
