December 21, 2024

MARCOS: P20 KILO NG BIGAS, MALAPIT NA

NANINIWALA si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr na malapit nang matupad ang kanyang ipinangako na bababa sa P20 kada kilo ang presyo ng bigas sa pamamagitan ng Kadiwa ng Pasko program ng Department of Agriculture.

Sinabi ito ni Marcos matapos pangunahan ang pagbubukas ng Kadiwa ng Pasko Caravan sa Quezon City kahapon.

Sa kanyang talumpati, sinabi ng Pangulo na makabibili ng P25 kada kilo ng bigas sa Kadiwa ng Pasko caravan – mas mataas ng P5 sa kanyang ipinangakong P25.

“Palapit na nang palapit tayo sa presyo na aking pinapangarap para sa bigas especially dahil nakakapag-ano na tayo — naipapagbili na natin ng P25,” saad niya.

“Ubos kaagad ‘yan. Iyan sigurado ‘yan ang unang nauubos, eh. Kaya’t gagawin natin ito national program na,” dagdag niya.

Layon ng Kadiwa ng Pasko na i-promote at ilako ang agri-fishery products ng lokal na magsasaka at mangingisda upang tulungan sila na madagdagan ang kita. Pormal na inilusad ang caravan sa tulong ng Office of the President (OP) at pangunguna ng DA noong Nobyembre 16, kung saan nangako ang Pangulo na marami pang bubuksan na outlet sa iba’t ibang lokalidad sa buong bansa.