November 5, 2024

MAPAGKUKUNAN NG PAGKAIN NGAYONG COVID-19 CRISIS ANG ‘BACKYARD FARMING’

Muli, isa na anaman pong magandang araw sa inyo mga giliw kong mga kababayan. Mga minamahal kong mga Ka-Sampaguita.

Nawa’y nasa mabuting kayong kalagayan

Maging praktikal tayo at labanan ang gutom lalo na’t humaharap tayo ngayon sa COVID-19 crisis.

Sa mahal ng gulay at prutas ngayon, pwedeng magtanim nito kahit sa likod lang ng ating bahay, basta may malawak kang mapagtatamnan.

Kung wala naman, pwedeng sa mga gulong, sirang drum at container na pwedeng paglagyan ng  matabang lupa. Sa gayun ay pwedeng pagtamnan  ng mga binhing namumunga.

Tinatawag itong ‘Backyard Farming’ o ‘Urban Farming’ Layun nitong maibsan ang gutom at ekstrang pagkakitaan ang mga taga-lungsod.

Mahalaga ang programang ito, gaya ng ginagawa ng mga taga- Barangay Holy Spirit sa Lungsod Quezon.

Gaya ng ating tinuran sa mga naunang pangungusap, pwedeng magtanim ng mga binhing namumunga kahit sa paso at mga malalaking lata gaya ng kalamansi, sili, munggo, kamatis, repolyo, talong, carrot, sibuyas, bawang at iba pang organic vegetables— dahil hindi naman ito nangangailangan ng malawak na espasyo.

Pwedeng gumawa ng draft o pinagsalansan na tabla na ang postura ay parang sa hagdan, tapos lagyan ng lupa upang pagtamnan.

Kung iisipin, mukhang mahirap, pero madali lang naman.

Sa bawat nabibili o nakukunsumong gulay at prutas, pwedeng kunin ang mga buto nito at patuyuin ng ilang araw. Pagkatapos ay itanim.

Kung magiging matiyaga lamang tayo, tiyak na may patutunguhan ang programang ito; kahit hindi ikampanya ng gobyerno, pwede namang kusang gawin.

Bukod sa libre na ang mga maani mo rito na magagamit sa pang-araw-araw, pwede pa itong ipagbili para sa dagdag kita.

Kaya, tama lamang na pagtiyagaan ito upang di kumalam ang ating mga sikmura.

Adios Amorsekos.