November 18, 2024

MANYAKOL TIMBOG SA PAMBOBOSO

KALABOSO ang isang binata matapos mahuli sa aktong binobosohan ang dalagang estudyante sa kolehiyo habang naliligo sa loob ng kanilang banyo sa Malabon City, kahapon ng medaling araw.

Kinilala ang naarestong suspek sa alyas “Jimbo”, 32, ng P. De Guzan St. na napag-alamang kabilang umano sa drug watch list ng Brgy. Ibaba at minsan na rin boluntaryong sumuko sa pulisya sa kasagsagan ng ipinapatupad na Oplan Tokhang.

Sa nakarating na ulat kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, dakong alas-12:30 ng madaling araw nang marinig ng ama ng 18-anyos na estudyante na itinago sa pangalang “Rosana” ang mga kaluskos sa likuran ng banyo ng kanilang bahay sa Villanueva St. Brgy. Ibaba kung saan naliligo sa loob ang kanyang anak.

Naghinala ang ama ng dalaga na may namboboso sa kanyang anak kaya agad siyang dumungaw sa bintana at dito niya nakita ang suspek na nakasilip sa maliit na siwang ng kanilang banyo.

Nang marinig ang sigaw ng ama ng dalaga, mabilis na tumakas ang suspek habang humingi naman ng tulong ang magama sa mag-pinsang Ronald at Leonilo Cañete, kapuwa tanod ng Brgy. Ibaba, na nagresulta sa pagkakadakip sa bosero.

Ayon kay Col. Baybayan, inihahanda na ng imbestigador ng Women and Children’s Protection Desk (WCPD) ang paghahain ng kaukulang kaso laban sa suspek sa Malabon City Prosecutor’s Office. (JUVY LUCERO)