Sinimulan na ngayong araw, Pebrero 2, ng Commission on Elections (Comelec) ang manual recount ng mga boto para sa pagka-alkalde ng San Fernando, Pampanga kaugnay ng halalang naganap noong Mayo 12, 2025.
Sakop ng nasabing recount ang apatnapu’t walong pilot precincts, na kumakatawan sa dalawampung porsyento ng kabuuang clustered precincts ng lungsod, matapos katigan ng Comelec ang protestang inihain ni dating Lubao Mayor Mylyn Pineda-Cayabyab laban sa nanalong si Mayor Vilma Balle-Caluag.
Batay sa kautusan ng Comelec First Division noong Enero 26, ang mga balota ay kasalukuyang nakatago nang ligtas sa Intramuros, Maynila, kung saan isasagawa ang muling pagbibilang.
Limang komite ang itinalaga upang magsagawa ng recount araw-araw, mula alas-otso y medya ng umaga hanggang alas-singko ng hapon, na may nakalaang break sa tanghalian.
Dineklara ng komisyon na sapat sa porma at nilalaman ang protesta ni Pineda-Cayabyab dahil sa mga isinumiteng sinumpaang salaysay na nagdedetalye ng umano’y mga iregularidad sa nagdaang halalan.
Matatandaang Mayo 22, 2025 nang pormal na maghain ng protesta si Pineda-Cayabyab matapos ipakita sa opisyal na resulta na nakakuha si Balle-Caluag ng mahigit isandaan at dalawampu’t pitong libong boto, habang mahigit apatnapu’t siyam na libo naman ang naitala para sa kanya.
Ang prosesong ito ang magsisilbing basehan kung magpapatuloy ang recount sa iba pang mga presinto sa lungsod depende sa magiging resulta ng mga pilot areas.
