December 26, 2024

MANGGAGANTSO NA KOREANO IPADE-DEPORT NG BI

Nakatakdang ipa-deport ng Bureau of Immigration (BI) ang isang South Korean national na wanted sa mga awtoridad dahil sa panggagantso (swindling) at pandaraya (defrauding) sa kanyang apat na kababayan.

Kinilala ni Immigration Commissioner Jaime Morente ang nadakip na 41-anyos na puganteng dayuhan na si Kim Byunggon, na nakakulong ngayon sa BI dentencion facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.

Inaresto noong Hunyo 2 ng mga operatiba ng fugitive search unit (FSU) ng BI ang Koreano sa loob ng isang mall sa Bgy. Apas, Cebu City sa bisa ng mission order na inilabas ni Morente dahil sa request ng South Korean authorities.

Nagpatulong ang mga awtoridad para maaresto at maipa-deport si Kim dahil sa isang warrant of arrest ang inilabas laban sa kanya ng isang Korean Court kung saan siya ay kinasuhan ng large-scale fraud.

Napag-alaman na si Kim ay isang overstaying alien at undocumented din dahil sa pagpapawalang-bisa ng kanyang pasaporte ng South Korean government.

“We will thus deport him for being an overstaying, undocumented and undesirable alien.  He will be placed on our immigration blacklist to prevent him from re-entering the country,” ayon kay Morente.

Sa nakalap na impormasyon mula sa BI, lumalabas na si Kim at subject ng Interpol blue notice na inisyu noong Marso ngayong taon matapos ang request ng South Korean government.

Lumalabas sa record na sa pagitan ng Nobyembre 2019 at Enero 2020,

nahikayat ni Kim ang apat na mga biktima na mag-invest ng pera sa isang stock investment firm na sinasabing plano niyang itayo at patakbuhin.

Pinangakuan niya ang mga biktima na ang kanilang pera na inilagak ay kikita ng interes bukod pa sa sila’y magiging shareholders sa nasabing negosyo.

Kaya inilipat ng mga biktima ang kanilang pera sa bank account ni Kim na aabot sa halos 229 million won o US$205,000 na tinangay ng huli at tumakas papuntang Pilipinas.