IPINAG-UTOS ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Lorenzo T Eleazar ang malalimang imbestigasyon sa pagkamatay ng isang mangangahoy sa Marinduque na pinagbabaril ng isang nagpakilalang pulis sa harap mismo ng sampung taon gulang nitong anak na lalake.
Batay sa ipinalabas na video ni PGen Eleazar, “Nakarating sa aking kaalaman ang paghingi ng tulong ng isa sa ating mga kababayan tungkol sa sinapit ni Alberto delos Reyes na di umano’y pinagbabaril hanggang sa mapatay ng isang nagpakilala di umano ay isang pulis sa harap mismo ng kanyang anak,”
Dagdag pa niya, “Agad nating inatasan ang Regional Director ng PRO4B, Police Brig. Gen. Nelson Bondoc, na magsagawa ng malalimang imbestigasyon dito upang alamin kung ano ba talaga ang nangyari,”
Base sa reklamo ng isang Janmart Hernandez Lacdao sa kaniyang Facebook account, pinagsisibak ng kahoy si delos Reyes sa Sitio Pag-asa, Barangay Bagtingon, bayan ng Buenavista noong Hulyo 30 nang dumating ang isang lalaki na nagpakilalang pulis at walang habas siyang pinagbabaril.
Dead on the spot si Delos Reyes matapos ang nangyaring pamamaril.
Sinabi ni PGen Eleazar na ang pag-aksyon ay bahagi ng kaniyang panuntunan na tugunan ang mga reklamo at paghingi ng tulong kahit sa pamamagitan ng social media. Isa ang Facebook sa mga ginagamit nilang paraan para tumanggap ng mga reklamo at paghingi ng tulong sa ilalim ng kanilang E-SUMBONG.
Sa pagpapalabas ng kautusan na imbestigahan ang kaso, nais malaman ni PGen Eleazar kung totoong pulis nga ba talaga ang salarin at kung mapatunayang siya nga ay dapat itong higit na papanagutin sa ginawang krimen.
“Kailanman ay hindi natin hinayaan at pinagtakpan ang pang-aabuso sa ating mga kababayan mula sa aming hanay. Kung talagang pulis nga ang may gawa nito, makakaasa ang pamilya na papanagutin natin siya,” wika ni PGen Eleazar.
“Right now, I am asking to let the investigation takes its course. Sa ngalan ng hustisya, makakaasa ang pamilya ni Alberto delos Reyes na personal kong tutukan ang kasong ito,” diin pa ng PNP Chief,
Inatasan na rin ni PGen Eleazar si PBGen Bondoc na sigurohin ang kaligtasan ng anak na lalake ni delos Reyes na posibleng magsilbing testigo sa nangyaring pamamaslang sa biktima. (KOI HIPOLITO)
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA