November 5, 2024

Mandatory swab test, quarantine sa close contacts ng COVID patients ipinatupad sa Navotas

Pinapaspasan na ng mga quarantine facility workers na matapos ang Department of Public Works and Highways (DPWH) COVID-19 isolation facility na yari sa mga container van sa Navotas Centennial Park sa Navotas City. (Kuha ni Norman ARAGA)


NILAGDAAN ni Navotas City Mayor Toby Tiangco ang isang executive order na nagmamando sa lahat ng close contacts ng COVID-19 positive patients na sumailalim sa swab test at quarantine.

Sa ilalim ng Executive Order No. 042, series of 2020, ang mga nakatira sa iisang bahay ay itinuturing na close contacts kung sakaling may isang naninirahan na makumpirmang positibo at inoobligang sumailam sa swab test at quarantine hanggang makumpirmang negatibo sa COVID-19.

Ayon pa sa ordinansa, kapag nakumpirmang mayroong virus, obligado rin ang mga pasyente na ilipat sa community isolation facilities.

Sinumang hindi sumunod o magbigay ng maling impormasyon ay hahainan ng demand letter mula sa City Legal Office at kapag patuloy na nagmatigas ang pasyente  sa kabila ng demand letter ay kakasuhan siya ng paglabag sa Section 9 ng Republic Act No. 11332.

Samantala, ang mga close contacts na hindi residente ng lungsod ay ieendorso sa health office ng kanilang pamahalaang local.

“There were reports of close contacts who gave false information, deliberately misleading the contact tracing team and slowing down the efforts of the city government.  We need to take a firm stand and enforce a stricter system in handling these cases.   We need to accelerate our contact tracing efforts to contain the further spread of the disease.  Immediate action and direct implementation of these measures must be done for us to move forward and live safely in the new normal,” ani Mayor Toby Tiangco.

Ang pasyang ipatupad ang nasabing order  ay isinagawa matapos na makatanggap ng ulat ang pamahalaang lungsod na tumatangi ang mga close contacts na sumailalim sa testing at patuloy na nagisisialis sa kanilang mga bahay.

Bukod dito, may mga kumpirmadong COVID-19 patients na nagtatago sa mga sfaff na inatasang sumundo sa kanila para dalhin sa isolation facilities.

Noon pa mang Hulyo 13, lumitaw sa contact tracing results ang cluster transmission ng COVID-19 sa mga miyembro ng pamilyang nakatira sa isang bahay, at ang mga nakatatanda ang pinakamadaling tamaan ng nasabing nakamamatay na sakit.

Hanggang 8:30 pm ng August 19, pumalo na sa 3,953 ang tinamaan ng COVID-19 sa lungsod, 903 dito ang active cases. 2,935 naman ang mga gumaling at 115 ang namatay.