October 6, 2024

MANDATORY ROTC PARA SA MAPAYAPANG KINABUKASAN

Mula ng pumasok ang administrasyong Duterte hanggang sa kasalukuyang pamunuan sa ating bansa, naging matunog na ang pagsasakatuparan ng Mandatory Reserve Officer Training Course o ROTC sa mga paaralan partikular sa kolehiyo.

Ayon sa pahayag na inilabas ng Senado noong ika-11 ng Abril, taong kasalukuyan, nasa walo sa bawat sampung Pilipino ang sumusuporta sa pagpapatupad nito. Ito ay base sa isinagawang survey ng Pulse Asia noong ika-15 hanggang ika-19 ng Marso ngayong taon.

Ilan sa mga paniniwala kung bakit kinakailangan ang ROTC sa mga paraalan ay sa kadahilanang ito ay magbibigay kahandaan sa ating mga kabataan upang ipagtanggol at mapanatili ang kapayapaan sa ating bansa. Gayundin naman, sa pamamagitan nito ay matuturuan ang ating mga kabataan ng disiplina, pagmamahal sa bayan, pangangalaga sa kalikasan at pagkakaroon ng sapat na kaalaman at kahandaang tumulong lalung lalo na sa panahon ng sakuna.

Samantala, batay pa rin sa survey na ito, mayroong labintatlong porsyento ng mga respondents ang nagsabing hindi sila sang-ayon sa panukalang ito. Kabilang sa kanila ang mga nagsasabing paparamihin lamang nito ang mga kaso ng harassment, pang- aabuso at hazing.

Ayon naman sa iba, pag-aaksaya lamang ito ng panahon na dapat sana ay ginugugol lamang sa pag-aaral, at maaaring magamit ang programa bilang instrumento ng kapangyarihan. Gayunpaman, nanindigan ang senado na mayroong safeguards ang panukalang ito kagaya ng grievance board na tatanggap ng reklamo at mag-iimbestiga sa mga alegasyon ng pang-aabuso, karahasan at korapsyon.

Kung ating susumahin, tila namumulat na ang karamihan sa ating mamamayan tungkol sa kahalagahan ng pagpapatupad ng ROTC sa ating mga paaralan.

May mangilan-ngilan na kumokontra subalit hindi na nila basta-basta mabibilog ang utak ng mayorya.

Napakahalaga na tuluyan nang maisabatas ang ROTC sapagkat dito matututo ng disiplina at nasyonalismo ang ating mga kabataan. Alalahanin natin na ang kapayapaan ay mag-uumpisa sa pagiging disiplinado ng mamamayan.

Sa kabilang banda, sa patuloy na pagsusumikap ng mga institusyon ng ating pamahalaan upang tuluyan nang mawakasan ang operasyon ng mga makakaliwang grupo, malaking tulong ang ROTC upang maiiwas ang ating mga kabataan sa mga ideyolohiyang komunista. Ito ang magsisilbing daan upang mapahina at mabuwag ang pwersa ng mga anay na CPP-NPA-NDF na matagal nang nagpupumilit na sirain ang pundasyon ng ating pamahalaan. Subalit kailanman ay hindi sila magtatagumpay.

Ang kabataan ang pag-asa ng ating bayan at isang malaking responsibilidad sa gobyerno na pangalagaan at ihanda ang ating mga kabataan para sa magandang kinabukasan. Isa na dito ang pagsasakatuparan ng ROTC. Kung mayroon mang iba pang programa na makakatulong pa sa pag-unlad ng ating bayan at pagpapairal ng kapayapaan, patuloy lamang natin itong suportahan dahil ang kaunlaran ay nag uumpisa sa pagkakaroon ng disiplinadong mamamayan. HUKBONG HIMPAPAWID NG PILIPINAS