Mapagpalang Araw, mga ka-Agila!
Nakakapanginig ng laman ang mga testimonya ng isang matandang kasambahay na walang awa, mala-demonyong pinahihirapan at minaltrato ng kanyang mga amo sa Mamburao, Occidental Mindoro.
Nitong Martes, muling ginisa nang mga Senador ang mag-asawang France at Gerry Ruiz na amo ni Elvie Vergara na binulag pa ang mata, pinupukpok ng martilyo sa mga paa, pinagsayaw ng bold, pinapakain ng dinikdik na siling labuyo at inilalagay pa umano sa private part ng kasambahay.
Sa testimonya ng ilang testigo, tinatadyakan at sinasaktan din si aling Elvie ng among lalake kapag nalalasing ito gabi-gabi.
Nakunan din ng litrato ng isang garbage collector ang mga sugat ni aling Elvie nang minsan naglabas sya ng mga basura.
Hihingi sana ng tulong ang basurero pero sinundan sya ni Gerry, tinakot at pinabura ang mga litrato na kuha nito.
“Noong nagtapon po ako ng basura, may mga sugat na ako at duguan. Tinanong ako ng basurero. Sinong may gawa nyan? Si kuya Gerry po, ang amo kong lalaki. Sinabihan nya ang nagongolekta ng basura na burahin mo yan. Burahin mo yan.” banggit ni aling Elvie.
Sa kabila ng halos apat na taon ng kasambahay sa pamilya Ruiz, inamin ni aling Elvie na hindi sya makalayas dahil wala syang pera. Kahit singkong duling, hindi raw sya pinapasahod ng among babae.
Talagang kagagawan ng “demonyo” ang sinapit na karanasan ni aling Elvie sa kamay ng kanyang mga amo na di makatao at walang puso.
Nagalit na ang mga Senador sa pagtatahi ng kasinungalingan ni madam France sa ng mga salaysay ng biktima at ng tatlong testigo na mga tauhan din ng amo.
Sa mosyon ni Senador Jinggoy Estrada, hiniling nito sa Senate committee on Justice and Human Rights na i-cite for contempt at ikulong sa detention cell ng Pasay City Jail si madam France dahil sa pagsisinungaling pero binawi nya at sinabing sa Senado na lang ikulong para mas madali itong makadalo sa susunod na mga pagdinig.
“This woman is lying to her teeth. This woman, Mrs. France Ruiz….I believed that she is the mastermind of everything, inflicting harm and leading to the total blindness of her maid.” diin ni Estrada.
Sinegundahan naman ni Senador Bato dela Rosa ang mosyon ni Senador Estrada kasunod ang pag-apruba ng chairman ng komite na si Senador Francis Tolentino.
Hanggang ngayon, nakakulong pa rin si Madam France sa detention facility ng Senado na may aircon at libre pa sa pagkain.
Mga ka-Agila, abangan po natin ang mga susunod pang imbestigasyon sa kasong ito. Sana mapatawan ng parusa ang mga ganitong klase ng tao.
Para sa inyong komento at suhestyon, ipadala lang sa [email protected].
More Stories
Para sa kabataan, Sexuality Education suportado ng DepEd
Cotabato City mayor, 4 iba pa, kinasuhan ng pandarambong
P10.5-M ALAHAS, GADGETS AT PERA NILIMAS NG MGA NAGPANGGAP NA GOV’T EMPLOYEE SA LAGUNA