May 2, 2025

Makati Subway, Goodbye na (Matapos ang SC ruling)

Hindi na matutuloy ang inaabangang Makati Subway Project matapos ideklara ng Philippine Infradev Holdings, ang pribadong sektor na proponent ng proyekto, na ito’y hindi na “economically and operationally feasible” o kapaki-pakinabang bunsod ng desisyon ng Korte Suprema sa territorial dispute sa pagitan ng Makati at Taguig.

Sa isang regulatory filing, sinabi ng Philippine Infradev na naapektuhan ang mga pangunahing bahagi ng subway—kabilang ang depot at ilang istasyon—dahil sa ruling ng Supreme Court na ang ilang dating bahagi ng Makati ay opisyal nang sakop ng Taguig City.

Dahil dito, sinimulan na ng kumpanya ang arbitration proceedings sa Singapore International Arbitration Centre upang resolbahin ang joint venture agreement nito sa lokal na pamahalaan ng Makati.

Ang $3.7-bilyong subway project, na sinimulan ang groundbreaking noong Disyembre 2018, ay inaasahang magdadala ng ginhawa sa libu-libong commuter at dating target maging fully operational sana pagsapit ng 2023.

Matagal nang nagtatalo ang Makati at Taguig ukol sa pagmamay-ari ng mga lupain sa Fort Bonifacio at mga kalapit na barangay. Noong Disyembre 2021, pabor sa Taguig ang naging pasya ng Korte Suprema, na tuluyang ibinasura rin ang apela ng Makati noong Setyembre 2022.

Sa panayam nitong Enero, inilarawan ni Mayor Abby Binay ang proyekto bilang “parang ‘di tinadhana,” ngunit tiniyak niya sa publiko na patuloy ang pagsusumikap ng lungsod na humanap ng alternatibong transport solutions para maibsan ang matinding trapiko at matulungan ang mga commuter.