January 22, 2025

Maintenance worker ng hospital, natagpuang patay

WALA ng buhay nang matagpuan ang 59-anyos na maintenance worker ng isang pagamutan na iniulat na hindi umuwi ng kanilang tirahan sa Caloocan City, Martes ng umaga.

Sa ulat ni Caloocan North Extension Office Duty Officer P/Maj Edsel Ibasco kay City Police Chief P/Col. Paul Jady Doles, alas-7:30 ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng biktimang si alyas “Antonio” sa Clean-up area ng Bermudez Polyclinic Hospital sa 391 Malaria Road, Brgy, 185.

Ayon kay Maj. Ibasco, nagtungo sa naturang pagamutan ang kapatid ng biktima na si alyas “Rodora” upang alamin kung bakit hindi umuwi ang kanyang kapatid at hindi rin sumasagot sa kanyang tawag.

Kaagad na hinanap ni Ricky Fernandez, isa ring maintenance worker ng pagamutan ang biktima hanggang makita niya ang kasamahan na paupong nakasalampak sa Clean-up area na wala ng buhay kaya’t ipinagbigay-alam nya ito sa kanyang superior.

Sinabi naman sa pulisya ng Vice President ng naturang pagamutan na si alyas “Mercy” na may taglay na sakit na tuberculosis ang biktima na posibleng naging dahilan ng kanyang kamatayan.

Wala rin nakitang palatandaan ang pulisya na biktima ng karahasan si alyas Antonio kaya’t nagpasiya ang kanyang malapit na kaanak na hindi na ituloy ng pag-iimbestiga sa kaso.