November 19, 2024

MAHIGIT 4,000 POSITION SA DSWD, APRUBADO NA NG DBM

Inaprubahan ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah “Mina”  F. Pangandaman ang paglikha  ng mahigit 4,000  position sa Department of Social Welfare and Development o DSWD.

Ayon kay Secretary Pangandaman  inaprubahan ang paglikha ng 4,265 Project Development Officer II (PDO II) positions sa iba’t ibang Field Offices para sa DSWD poverty alleviation initiative.

Layon aniya nito na suportahan ang implementasyon ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), upang maibsan ang kahirapan sa bansa.

Ang mga PDO positions ay nilikha upang dagdagan ang kasalukuyang staff ng DSWD upang pamahalaan ang kanilang workload ng mas mahusay, na naglalayong magkaroon ng caseload na isang manager para sa bawat 300 na sambahayan.

Ang mga contractual positions ay pupunan ng kasalukuyang mga contract of service (COS) at job order (JO) workers ng DSWD mula sa Field Offices nito sa buong bansa, na namamahala ng mga kaso ng 4Ps.

Ang pondo para sa paglikha ng nasabing 4,265 PDO II positions ay kukunin mula sa available allotment ng DSWD.