Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) ngayong Miyerkules na mahigit 15 tao ang sangkot sa umanoy pre-shading ng mga balota sa ginanap na kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa ginanap na Kapihan sa Manila Bay forum, ibinahagi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia, nahaharap sa kasong electoral sabotage—isang krimen na walang inirerekomendang pyansa—ang sinumang mapapatunayang may pananagutan sa pag-tamper ng tinatayang 16,000 balota sa Bayan ng Maluso, Basilan.
Nagpalabas na ang komisyon ng subpoena laban sa 16 na indibidwal upang hingin ang kanilang opisyal na paliwanag at panig.
Kabilang sa mga ipinatawag ang Provincial Election Supervisor ng Comelec, pati na rin ang Election Officer, Treasurer, at Punong Ehekutibo o Alkalde ng Maluso.
“’Yung in-issue-han namin ng subpoena, hindi nangangahulugan na sila ay guilty o sila’y pinagbibintangan. Gusto lang namin alamin ano ang version nila, may nalaman ba sila tungkol diyan, meron bang nakakuha ng attention nila?” pahayag ni Garcia.
Binigyang-diin ng opisyal na hindi kakkayanin ng iisang tao lamang na markahan ang napakaraming balota.
“Hindi isang tao lang ang gagawa na i-tamper mo ang 16,000 more or less na balota. Mga mahigit 15 na tao ang gumawa nu’n,” dagdag ng Comelec chairman.
Target ng Comelec na maresolba ang usapin bago magsimula ang filing ng Certificate of Candidacy (COC) para sa mga susunod na halalan.
Dahil sa insidente, isinusulong ngayon ng poll body na sa kanila na direktang ilagak at ipagkatiwala ang seguridad ng mga balota sa mga susunod na eleksyon.
Sa ilalim kasi ng kasalukuyang batas, ang mga city o municipal treasurer ang naghahawak at nag-iingat sa mga ito.
Inihayag ni Garcia na magsusumite sila ng draft proposal sa Committee on Electoral Reforms upang masusog ang umiiral na probisyon ng batas at matiyak na ligtas ang bawat balota hanggang sa mismong araw ng botohan.
