December 24, 2024

MAGSASAKA, MANGINGISDA WALANG ALAM  – CYNTHIA VILLAR (Senador pinuna sa climate change remarks)

Matapos punahin ang mga nurse, ang middle class at researchers, minaliit naman ni Senator Cynthia Villar ang mga mangingisda at magsasaka, kung saan sinabi nito na wala silang alam sa climate change.

Sa pagdinig sa 2023 budget proposal para sa Department of Agriculture, iginiit ng misis ni Manny Villar sa ahensiya na hindi dapat umasa sa mga magsasaka at mangingisda para tugunan ang climate change.

 “Huwag mong aasahan yung fishermen at farmers because they don’t know anything… They will protect themselves? Di nga nila naiintindihan ang problema eh,” saad niya. “’Wag nyong iaasa sa farmers at fisherfolk kasi sila, hindi naman nila naiintindihan yang climate change.”

Sinabi ni Villar na dapat maging mas pro-active ang DA sa pagtugon sa impact ng climate change

Sinabi ni Villar na dapat maging mas maagap ang DA sa pagtugon sa epekto ng climate change sa halip na magbigay ng livelihood assistance sa mga apektadong sektor.

“Palagi kang tinatamaan ng bagyo, anong gagawin mo para mabawasan yung damage ng bagyo sa particular na lugar na yun? ‘Wag livelihood (project),” saad niya.

Ikinadismaya ng AGHAM-Advocates of Science and Technology for the People ang pahayag ni Villar.

Sinabi ni Jerwin Baure, public information officer at resident marine scientist ng AGHAM na ang pahayag ni Villar ay insulto para sa mga magsasaka at mangingisdang nagsisikap na maghanapbuhay sa kabila ng kakulangan sa pagpapahalaga ng pamahalaan.

Tiniyak ni Baure na mayroong sariling kasanayan ang mga ito na kayang matukoy ang lagay ng panahon at maunawaan ang epekto ng nangyayaring pagbabago ng klima.

“Fisherfolk and farmers have their own traditional ecological knowledge, which they use in their day-to-day lives. Despite not knowing the exact technical terms, these fisherfolk and farmers still understand climate change,” pahayag ni Baure sa panayam ng Radio Veritas.

Sinabi ni Baure na ramdam ng mga magsasaka ang epekto ng pagbabago ng klima lalo na kapag mayroong malalakas na bagyo maging ang tagtuyot, na humahantong sa malaking pagkalugi sa agrikultura.

Gayundin ang epekto nito sa mga mangingisda kung saan lantad naman sa storm surge, pagtaas ng antas ng dagat, at pag-init ng karagatan.

Sa kabila ng pagbabago ng klima, nilinaw ni Baure na nakakahanap pa rin ang mga magsasaka at mangingisda ng pamamaraan upang makaangkop sa mga pagbabagong nangyayari sa kapaligiran.

Iginiit ni Baure na sa karanasan ng mga magsasaka at mangingisda ay dapat higit itong bigyang-pansin ng pamahalaan sa halip na isantabi at patuloy na isisi ang suliranin sa mahihirap na sektor ng lipunan.

“It is the government’s duty to help them adapt as the climate conditions continue to worsen. It will go a long way if the government will start pooling our resources in helping our countrymen instead of using their platform in blaming the marginalized sectors of our society,” giit ni Baure.