November 2, 2024

Magkapatid, 2 pa kulong sa P136K shabu sa Valenzuela

WAK sa loob ng rehas na bakal ang apat na hinihinalang drug personalities, kabilang ang magkapatid matapos makuhanan ng nasa P136K halaga ng shabu makaraang maaresto sa magkahiway na buy bust operation sa Valenzuela City.

Ayon kay PLt. Joel Madregalejo, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela police, dakong alas-4:45 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni PLt. Doddie Aguirre ng buy bust operation sa F Bautista St., Brgy. Marulas matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa pagbebenta umano ng ilegal na droga ng magkapatid na Albert Llaguno, 32 at Allan Llaguno, 38, kapwa residente sa naturang lugar.

Nang matanggap ang pre-arranged signal mula sa pulis na umakto bilang poseur-buyer na hudyat na nakabili na siya ng shabu sa mga suspek ay agad lumapit ang back up na mga operatiba saka inaresto nila ang magkapatid.

Ani SDEU investigator PSSg Ana Liza Antonio, nasamsam sa mga suspek ang humigi’t-kumulang 10 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P68,000, P1,500 marked money na isang tunay na P500 bill at isangP1,000 boodle money at coin purse.

Nauna rito, nadakip naman ng kabilang team ng SDEU sa buy bust operation sa Galas St., Brgy. Bignay dakong alas-12 ng hating gabi sina Juanito Macario alyas “Putat”, 45 at Rochell Maranan alyas “Tisay”, 42, kapwa ng nasabing barangay.

Nabatid kay PSMS Fortunato Candido, narekober sa mga suspek ang nasa 10 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P68,000, P500 buy bust money cellphone at P500 cash.

Kakasuhan ang mga suspek ng paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.