December 26, 2024

MAG-INGAT SA DELTA VARIANT NG COVID-19 – PNP CHIEF

PINAALALAHANAN ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Lorenzo T Eleazar ang publiko na maging lalong maingat matapos makapagtala na ang bansa ng ilang kaso ng delta variant ng COVID-19.

Ayon kay PGen Eleazar, patuloy lang ang mga pulis sa kanilang mandato na ipatupad ang health and safety protocols na inilatag ng Pamahalaan upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.

“The detection of the Delta variant in the country serves as a warning to all of us against complacency,” wika ni PGen Eleazar.

“Nakita na natin ang epekto nito sa India at ito ngayon ay seryosong banta sa kapitbahay nating bansa na Indonesia. Again, the success and failure of our efforts to prevent the spread of this more transmissible and more deadly variant is on our hands: by strictly observing the tried-and-tested observance of the minimum public health safety protocol,” dagdag pa niya.

Nakapagtala na di umano ang Department of Health ng 16 na kaso ng Delta variant,  kabilang na ang limang balikbayang overseas Filipinos (ROFs) at 11 pang lokal na kaso na sa kabuoan ay sumampa na sa 35 ang tinamaan ng nakamamatay na virus.

Samantala, ibinalik na sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang ilang lugar sa bansa upang maipigilan ang lalo pang pagkalat ng COVID-19. Kabilang na dito ang probinsya ng Iloilo gayundin ang mga lungsod ng Cagayan de Oro, Iloilo at Ginoog hanggang Hulyo 31.

“Sa panig ng PNP, patuloy kaming nakikipag-ugnayan sa IATF (Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases) at sa NTF (National Task Force) Against COVID-19 upang i-review kung ano ang dapat i-review, at palakasin pa kung ano ang mga dapat pang palakasin sa aspeto ng pagpapatupad ng mga alituntunin para sa kaligtasan nating lahat,” ayon kay PGen Eleazar.

Inatasan na rin niya ang mga pulis na tumatao sa mga quarantine control points na maging mapagmatyag at higpitan ang seguridad para makatulong mapababa ang pagkalat ng coronavirus at ng mga variant nito.

Pinaalalahanan din ni PGen. Eleazar ang buong hanay  ng PNP na tiyaking mahigpit na naipatutupad ang mga panuntunan sa ilalim ng ECQ.(KOI HIPOLITO)