May 4, 2024

MAG-INA TODAS SA JAIL GUARD (Suspek dedo rin nang magbaril sa sarili)

TODAS ang isang 55-anyos na ginang at ang dalaga niyang anak nang barilin sila sa ulo ng jail officer ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na kalaunan ay nagbaril din sa sarili sa Valenzuela City, Miyerkules ng madaling araw.

Dead-on-the-spot ang biktimang si alyas “Lanie” at ang jail officer na si alyas “Mhel”, residente ng Calderon St. Sta Lucia, Novaliches, Quezon City habang naisugod pa sa Valenzuela City Medical Center si alyas “Mary”, 27 subalit namatay din habang nilalapatan ng lunas.

Sa isinumiteng ulat ina P/EMS Felix Viernes at P/SSg Regor Germedia kay Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura, Jr. dakong alas-2:45 ng madaling araw nang magkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng mag-ina at ng suspek na may kaugnayan sa pagkakaroon ng relasyon ng lalaki sa isa pang anak na babae ng ginang na si alyas “Bernadette”.

Sa gitna ng kanilang pagtatalo, nagpumilit ang suspek na pumasok sa bahay ng mag-ina sa Navarrette St., Brgy. Arkong Bato subalit pinigilan siya ng mga biktima na dahilan para sila barilin sa ulo ni “Mhel”.

Nang kapuwa duguang bumulagta ang mag-ina, dito na nagpasiyang magbaril din sa sarili si “Mhel” na agaran din iyang ikinamatay.

Kaagad namang nakapag-responde sa lugar ang mga tauhan ng Polo Police Sub-Station-5 na silang tumawag sa Valenzuela City Disaster Risk Reduction and Management Office (VCDRRMO) na nagdeklarang patay na ang ginang at ang suspek at sila ring nagdala kay alyas Mary sa pagamutan.