May 15, 2024

Mag-ina na dadalo sa birthday, niratrat ng bala

NASAWI ang isang 62-anyos na ina at kanyang 39-anyos na anak na lalaki matapos pagbabarilin ng hindi kilalang mga suspek na sakay ng motorsiklo sa Malabon City, Miyerkules ng gabi.

Kaagad binawian ng buhay si Luz Garcia, 62 at kanyang anak na si Ferdinand, kapwa residente ng 25 Hernandez St. Brgy. Catmon sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa katawan.

Patuloy naman ang follow-up investigation ng pulisya sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa mga suspek na mabilis na tumakas sa hindi matukoy na direksyon matapos ang insidente.

Ayon kay Malabon police chief P/Col. Jessie Tamayao, naganap ang insidente bago mag-alas-6:00 ng gabi sa kahabaan ng Dulong Hernandez St., Brgy. Catmon habang sakay ang mag-ina sa kanilang electric bike at paparada sana sa harap ng isang sari-sari store para bumili ng sigarilyo.

Sa imbestigasyon ni Police Homicide Investigators P/SSgt. Jeric Tindugan at P/SSgt. Jose Romeo Germinal II, dadalo ang mga biktima sa birthday celebration ng biyenan ni Ferdinand nang pagbabarilin sila ng hindi kilalang mga suspek.

Sinabi ni SSgt. Tindugan sa panayam sa kanya sa telepono na ayaw umano magbigay ng detalye ang mga kaanak ng mga biktima at mga residente sa lugar dahil sa takot na baka sila naman ang gantihan.

“Under investigation pa kaya wala pang malinaw na motibo, tikom lahat kasi ang bibig kaya parang me itinatago sila,” ani Sgt. Tindugan. Nabatid na ang lugar, kung saan nangyari ang insidente ay kuta umano ng mga kilalang kriminal na sangkot sa iligal na gawain at maging ang mga pulis at opisyal ng barangay ay nahihirapan sa pagpapanatili ng kapayapaan at katahimikan sa nasabing lugar.