November 24, 2024

MAAGANG PANGANGAMPANYA NI ALONG MALAPITAN SA GITNA NG UMIIRAL NA ECQ, NASILIP NG NETIZENS

Hindi nakaligtas sa lente ng kamera ng mga netizen ang tila maaga umanong pangangampanya ng grupo ni Congressman Along Malapitan sa Caloocan City.

Makikita sa video ng isang netizen si Congressman Malapitan kasama ang kanyang grupo na naglilibot habang isinisagaw isa-isa ang kanilang mga pangalan na tila “pumuporma” na para sa halalan sa Mayo 2022.

Isinagawa ang paglilibot ng grupo habang umiiral ang enhanced community quarantine sa Caloocan na sakop ng Metro Manila.

Napansin din ng mga netizen na hindi sinunod ng naturang grupo ang health protocols tulad ng physical distancing.



Napapabalitang balak palitan ni Congressman Malapitan ang kanyang ama na si Oca bilang alkalde ng naturang lungsod sa susunod na taon.

Dismayado naman ang mga netizens sa natunghayan na video ng grupo ni Malapitan.

“Diyos ko, pandemic ngayon tumulong kayo… hindi kailangan ng ganyan kung tutulong,” ayon kay Clinton Antonio.

Sambit naman ni Melissa Aban, “Ang aga naman! Mga atat… tumulong muna kayo baka iboto pa kyo puro kyo pangako na naman.”

“Pag nasa pwesto talaga noh, walang sita-sita walang violations, pero ang kawawang manggagawa pag lumabas huli, kulong piyansa, kawawang Juan Dela Cruz,” puna naman ni Al Olegario. “Naku mga batanga Kankaloo wag na kayong pauto sa mga yan,” dagdag pa ni Anselmo Diwa.