November 17, 2024

Lusot sina Cruz, Taguinatos, Dean at Enot… QTS NG SEA AGE NAT’L TRYOUTS

Si PSI secgen Cong.Eric Buhain kasama ang mga kabataang swimmers sa national tryouts kahapon sa RMSC.

APAT na batang swimmers ang nakalusot sa itinakdang qualifying time standard at nabigyan ng ‘provisionary’ status para sa binubuong Philippine Team na  isasabak sa 35th Southeast Asian Age Group Swimming Championship na nakatakda sa Agosto 24-26 sa Jakarta, Indonesia.

Impresibo ang naitalang langoy nina Catherine Cruz ng Mabalacat Race Pace Swim Team, Arabella Nadeen Taguinota ng Pasig City Swimming, gayundin ang magkaribal na sina Peter Cyrus Dean ng Killerwhale Elite Swim Team Quezon at Ivo Nikolai Enot ng Ayala Harpoons Swim Club sa unang araw ng National tryouts Luzon qualifying   na inorganisa ng Philippine Swimming Inc. (PSI) na pinamumunuan ng bagong pangulo na si Miko Vargas at secretary-general Batangas Rep. Eric Buhain nitong Biyernes sa Teofilo Yldefonso swimming pool sa Rizal Memorial Sports Complex (RMSC).

Nalagpasan ng 15-anyos na si Cruz ang 2:13.23 QTS sa girls 14-15 200m freestyle sa naitalang 2:13.15 para tampukan ang naturang events laban kina Daryn Santamaria ng Ilocos Sur (2:17.72) at Jada Corine Cruz ng Ilustre East Aquatic.

Nadomina naman ni Taquinota ang girls 14-15 100m breaststroke sa tyempong 1:15.57 para lagpasan ang QTS na 1:17.89 laban kina Patricia Santor ng Ilustre (1:18.55) at Daniella Gregorio ng Lipa City (1:19.43) sa torneo na itinataguyod ng Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee at Speedo.

Kapwa naman nakalusot sa QTS (28.10) sina Dean at Enot sa boys 16-18 50m backstroke matapos maitala ng pambato ng Lucena City at incoming Grade 11 student sa Manuel Emverga University ang 27.97, habang kumasa ang huli sa tyempong 28.07. Kinapos ng bahagya ang bronze medalist na si Estifano Ramos ng Golden Sea sa oras na 28.25.

“Napakasaya na makita yung enthusiasm ng mga batang swimmers na makilahok sa national tryouts. Hindi kasi nil ana-experience ito before, but as what we promised gagawin naming inclusive ang lahat ng programa ng PSI for the sake of our athletes and the growth of sports in aquatics. Ito ang bayad naming sa tiwala ibinigay ng swimming community sa amin,” pahayag ng swimming legend na si Buhain.

“Yung hinahanap na national tryouts ng marami, ipagkakaloob ponatin para mabigyan ang lahat ng pagkakataon na maipakita ang kanilang husay at mapabilang sa National Team. Lilibutin natin angbuong Pilipinas para mapili ang best of the best,” aniya.

Iginiit ni event organizers coach Chito Rivera na ‘provisionary status’ pa lang ang katayuan ang apat na swimmers dahil may tatlong national tryouts pa ang nakatakdang isagawa – ang North Luzon qualyfing at Visayas qualifying na magkasabay na isasagawa sa Hulyo 21-23 sa Vigas, Ilocos Sur at Dumaguete City, ayon sa pagkakasunod.

‘Iko-consolidate pa natin ang lahat ng resulta sa tryouts before we announced officially yung mga qualified. Yung top three na qualified sa bawat event yun ang ipadadala natin sa SEA Age Group,” pahayag ni Rivera.

Sa iba pang resulta, nanguna sina Sophia Garra ng Waverunners sa girls 11-13 50m back (33.04); Maxene Uy ng NOGCC sa girls 14-15 (32.50); Ishaelle Villa  ng CM Riptide sa girls 16-18 (31.08); Rio Coliyat ng Aqua Sonic sa boys 11-13 100m breaststroke (1:13.47); Seb Rafael Santo sa boys 14-15 (1:11.34); at Jalil Taguinod sa boys 16-18 (1:06.44).