Himayin natin mga Ka-Sampaguita ang tungkol sa kahalagahan ng paggalang sa ating Pambansang Awit. Na kapag narinig nating tinutugtog ito, nararapat na ilagay natin ang ating kamay sa kanang dibdib, tumayo ng maayos at tuwid habang nakatingin sa watawat— at sumabay sa pag-awit.
Sa pamamagitan niyan, maipadadama natin sa ating bayan ang ating pagmamahal. Gayundin ang pagbibigay ng halaga at pugay sa ginawa ng ating mga bayani; na nagbuwis at nag-alay ng buhay upang makamtan lamang ang kalayaan ng ating Inang Bayan.
Sa panahon ngayon, tila ang iba ay wala nang pagpapahalaga sa ating Pambansang Awit.
Isa na nga sa napulaan dito ay si House Deputy Speaker at Cavite 7th District Representative Jesus Crispin Remulla. Naging viral sa social media ang video kung saan makikita ang Congressman na may inaayos na papeles at may sinusulat na note sa lamesa— habang pumapailanlang ang ‘Lupang Hinirang’ sa isinagawang flag ceremony sa Kongreso, bago mag-umpisa ang 8th House joint hearing kaugnay sa ABS-CBN franchise noong Lunes .
Abala si Cong. Remulla habang ang iba niyang kasamahan ay atentibo sa ating Pambansang Awit.
Ang ginawa ni Remulla ay kawalang-galang. Tanggap natin yan. Walang pwedeng maikatuwiran dyan si Rep. Remulla. Matibay ang ebidensiya dahil may video.
Kaugnay dito, humingi kaagad ng paumanhin si Rep. Remulla sa kapwa Kongresista at ating mga kababayan bago ang hearing.
Sa ganang akin, tanggap ko ito dahil nagpakumbaba siya. Inamin at tinanggap ang pagkakamali at bahala na ang National Historic Commission of the Philippines.
Siguro naman, magtatanda na si Rep. Remulla at magiging isang halimbawa na sa ating mga kababayan na maging huwaran. Kasi, mga public servant sila. Isa pa, mainit ang mga mata ng kalaban sa kanya kaya hahanapan siya ng butas. Obyus ba?
Speaking of pambabastos kuno, nga pala mga Ka-Sampaguita, sino ang kumuha ng video ng ginagawa ni Rep. Remulla habang tinutugtog ang ‘Lupang Hinirang’? May kuhang bukod na camera na pang-broadcast. Pero, may ibang anggulo ng kuha na iyon ang kumalat sa social media.
Sa halip na naka-steady lang siya, bakit gumalaw ang camera at tinutukan ang ginagawa ng kongresista; gayung nasa isa lang silang venue? Ibig sabihin, hindi rin siya nag-pay attention sa Pambansang Awit. Hindi ba’t kawalang galang din iyon?
Tapos, nag-focus sa ginagawa ni Rep. Remulla. Hindi ba’t napaka-malisyoso nun? Ang tanong, bakit napost ito sa social media gayung may copyright issues kapag ginamit ang footage?
Sino kaya ang kumuha ng video nun? Kapwa Kongresista niya kaya? Kung camera man o camera ng cellphone ang ginamit na pangkuha, kaninong empleyado iyon? May naisip ba kayo, mga Ka-Sampaguita.
Kaya ba sinisisi ni Rep. Remulla ang mga taga-Kapamilya na siyang nagpakalat ng video?
Isa pa, may pagkakataon bang ganoon ang kanyang ginagawa kapag flag ceremony sa Kongreso, kaya natiyempuhan na siya at nakunan ng video? Naku, ingat sa kalaban at baka pinupuntusan ka lang. Adios Amorsekos.
More Stories
PAGPASA NG P3.5 BILYONG BUDGET NG MARIKINA, NAAYON BA?
MGA MAYOR SA RIZAL SUPORTADO SI CHAVIT SINGSON
MGA BAGYONG PASUGAL SA CAVITE