November 19, 2024

LUNOK-PERA SA NAIA, IKINAGALIT NI GRACE POE

NAIS ni Senator Grace Poe na masibak ang mga tauhan ng airport na sangkot sa kriminal na aktibidades.

Nanawagan si Poe sa airport na imbestigahan at sampahan ng kaso ang mga abusadong tauhan nito matapos ang pinakabagong nakawan na kinasasakuntan ng airport security officer sa Ninoy Aquino International Airport.

Ayon kay Poe dapat maparusahan kaagad ang sinumang lalabag sa batas.

“Nakakagalit at nakakahiya ang pangyayaring ito. Parang hindi nauubusan ng gimik ang mga kawatan sa airport,” ayon kay Poe.

“The airport leadership should immediately investigate, file cases and fire employees found involved in criminal activities,” dagdag pa niya.

Nahuli kasi sa camera ang isang airport security officer na umano’y nagnakaw at nilunok ang pera mula sa isang papaalis na pasahero. Naganap ang insidente noong Setyembre 8.

Pinatawan ng preventive suspension ng Office of the Transportation Security (OTS) ang nasabing airport official.

Pero para kay Poe hindi sapat ang naging aksyon ng OTS. Iginiit niya sa airport authorities na panagutin ang mga kasabwat ng airport personnel.

“Maaaring ang nakita sa CCTV ay hindi ang buong kwento. May mga report pa na nagsasabing inutusan ang OTS personnel na gawin ito para hindi mahuli. Ibig sabihin, may mga kasabwat pa ito,” saad niya.

Dahil dito, hiniling ni Poe sa airport security office na magsagawa ng matinding pagsusuri sa lahat ng aplikante at muling interbyuhin ang kasalukuyang tauhan upang matukoy ang kuwalipikasyon at sibakin ang sinumang sangkotsa criminal activities.