November 2, 2024

Lumabag sa curfew, mangingisda timbog sa shabu

ARESTADO ang isang mangingis matapos makuhan ng shabu makaraang masita ng mga tauhan ng Maritime Police sa paglabag sa curfew hours sa Navotas City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Maritime Police Station (MARPSTA) Major Rommel Sobrido ang naarestong suspek na si Arnel Alegue, 40 ng Isda St. Navotas Fish Port Complex (NFPC), Brgy. NBBN.

Sa report ni Maj. Sobrido kay Northern NCR MARPSTA P/Col. Ricardo Villanueva, dakong 1:20 ng madaling araw, nagpapatrolya ang mga tauhan ng Navotas Maritime Police sa Isda St. NFPC, Brgy. NBBN nang sitahin nila ang suspek dahil sa paglabag sa curfew hours.

Tinangkang tumakbo ng suspek subalit, nahawakan siya ni Pat. Dmitri Chase Valero ngunit nagpapalag ito at nang hilingin ni Pat. Nikki Pepito na ilabas ang laman ng kanyang bulsa ay aksidenteng nahulog mula sa kanya ang isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na nasa P500 ang halaga.

Ayon kay PSMS Bong Garo II, mahaharap ang suspek sa kasong city ordinance (curfew), Art (Disobedience to Agent of Person in Authority) at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.