November 18, 2024

LUIS MANZANO NILINIS SA FLEX FUEL ESTAFA CASE

SINAMPAHAN na ng National Bureau of Investigation (NBI) ng kasong syndicated estafa ang 12 opisyales ng Flex Fuel Petroleum Corporation kaugnay sa investment scam.

Samantala, nilinis naman ang pangalan ng actor-host na si Luis Manzano sa alegasyon laban sa kanya, ayon sa “Fast Talk with Boy Abunda”

Si Luis ay dating chairperson ng nasabing fuel company.

“Ayon sa imbestigasyon ng NBI, walang kinalaman… si Luis sa alleged investment scam dahil nag-resign na ito mula sa Flex Fuel noong 2021, ang taon kung kailan nag-invest ang mga nagrereklamong investors,” Abunda said.

“Kaya hindi sinama ng NBI si Luis sa 12 officers ng Flex Fuel na pormal nilang sinampahan ng kasong syndicated estafa,” dagdag niya.

Noong pebrero, naghain ng reklamo sa NBI ang mga investors laban kay Manzano at iba pang personalidad na sangkot sa oil firm.

Una nang hinimok ni Manzano ang NBI na imbestigahan ang Flez Fuel matapos lumapit sa kanya ang mga investor para hilingin na maibalik ang na-invest nila sa kompanya. Sinabi pa ni Luis na nalugi siya ng P66 milyon.

Masayang-masaya naman ang ina ni Manzano na si Vilma Santos-Recto.

“At nagpapasalamat siya sa Diyos sa pagkaka-abswelto ni Luis,” ayon kay Abunda.

Una nang itinanggi ng mga opisyales ng Flex Fuel ang anumang involvement sa umano’y investment scam at handa rin daw silang makipagtulungan sa mga awtoridad para masagot ang anumang concerns.

“There is absolutely no truth to the claim that Flex Fuel is involved in any form of scam or fraud against our stakeholders,”  ayon sa pahayag ng kompanya.

“In fact, all of our transactions, especially with our stakeholders, are transparent, fair, and legal… Flex Fuel has never guaranteed any profit to its partners and has always made it clear to them that, like any other legitimate business venture, these profits depend on business performance,” dagdag pa nito.