November 17, 2024

LTO MAY BACKLOG NA 620,000 LISENSIYA

Lumobo na sa 690,000 ang backlog o bilang ng mga drivers license na nakatengga lang sa Land Transportation Office (LTO).

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, naitanong ni Senator Grace Poe kung nasolusyunan na ba ng LTO ang backlog ng mga ID card ng mga magre-renew at mga bagong driver’s licenses.

Dito ay inamin ni Transportation Secretary Jaime Bautista na umabot na sa halos 690,000 ang mga nakabinbing driver’s license.

Puna naman ni Blue Ribbon Committee Chairman Senator Francis Tolentino, sa loob ng isang buwan, sa halip na bumaba ay tumaas pa ng halos 500,000 ang bilang ng backlog ng driver’s license.

Nakwestyon ni Tolentino si Bautista kung sa susunod na buwan ay aasahan ba ang panibagong kalahating milyon na dagdag na backlog sa driver’s license.

Sagot naman ni Bautista, sa kasalukuyan ay inaayos ang procurement process at sa oras na ma-qualify ang lowest bidder, maaring makagawa ng 500,000 lisensya pagsapit ng Hulyo.