Sa pamumuno ng Land Transportation Office (LTO) at Department of Transportation (DOTr), tuluyan nang tinuldukan ang matagal nang problema ng milyun-milyong motorista sa bansa: ang matagal na paghihintay ng plaka at rehistro para sa bagong sasakyan.
Sa pagsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na gawing digital at mabilis ang mga serbisyo ng gobyerno, inilunsad ng LTO at DOTr ang Plate Registration Management Information System (PRMIS)—isang online platform na layong tapusin ang proseso ng vehicle registration at pag-isyu ng license plates sa loob lamang ng tatlong (3) araw.
Ayon kay DOTr Secretary Vince Dizon, ang hakbang na ito ay bahagi ng kampanya ng administrasyon para sa “Bagong Pilipinas” kung saan ang serbisyo publiko ay mabilis, episyente, at walang palusot.
“Ito na ang wakas ng perwisyong dinanas ng mga motorista sa loob ng anim na dekada. Sa bagong sistema, bibili ka ng sasakyan at hindi ka na maghihintay ng buwan o taon para sa plaka at rehistro. Tatlong araw lang, may plaka ka na agad,” pahayag ni Secretary Dizon.
Dagdag pa ni LTO Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang bagong sistema ay hindi lamang solusyon sa backlog ng plaka na tumagal ng 11 taon, kundi isang tuloy-tuloy na polisiya na magpapatupad ng “No Registration, No Release Policy” sa lahat ng dealership sa buong bansa.
“Kung walang rehistro at plaka, hindi lalabas ang sasakyan sa dealership. Simple lang ang patakaran at malinaw ang mensahe: tapos na ang panahon ng fixer at abala. Hindi ito pangako—nangyayari na ito ngayon,” ani Asec. Mendoza.
Pangunahing benepisyo ng PRMIS:
- Online Registration: Mas mabilis, mas madali, mas episyente
- 3-Day Release: OR/CR at license plate matatanggap sa loob ng 3 araw
- Nationwide Implementation: Lahat ng dealership at LTO office, sakop na ng bagong sistema
- Walang Fixer, Walang Delay: Tuloy-tuloy na serbisyo para sa mga motorista
Nagsimula ang pilot testing ng PRMIS noong Mayo 6, 2025 sa Metro Manila, Region III, at Region IV-A, at ngayong Hulyo 15, 2025, isinakatuparan na ito sa buong bansa.
Ito ay patunay na ang gobyerno, sa ilalim ng administrasyong Marcos, ay seryoso sa reporma at mabilis na serbisyo para sa publiko.
