Welcome sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagtatalaga kay Greg G. Pua bilang pinakabagong Board Member ng ahensya, sa ilalim ng pamumuno ni Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II.
Ayon kay Mendoza, malaking dagdag-pwersa ang pagpasok ni Pua sa pagpapatupad ng mga reporma at programa ng LTFRB para sa kapakanan ng milyun-milyong Pilipinong commuter, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“He has proven his worth as executive director of the Land Transportation Office, I am fully confident of his capability as a member of the LTFRB,” pahayag ni Mendoza matapos manumpa si Pua sa harap ni Department of Transportation Secretary Giovanni Z. Lopez.
Dagdag pa ng chairperson, ang sigla ni Pua bilang pinaka-batang miyembro ng Board at ang malawak nitong karanasan sa land transportation ay magiging mahalagang pwersa sa pagpabilis ng implementasyon ng mga repormang kapaki-pakinabang para sa mga commuter at sa buong public transport sector.
Si Pua ay nagsilbi bilang Executive Director ng LTO mula kalagitnaan ng 2023.
Kinumpirma naman na inaprobahan ni Pangulong Marcos ang kanyang appointment ayon sa dokumentong pirmado noong Nobyembre 27, 2025, kung saan nakasaad na maaari na niyang gampanan ang tungkulin bilang opisyal ng LTFRB matapos magsumite ng kopya ng kanyang panunumpa sa Office of the President at Civil Service Commission.
Sa pagpasok ni Pua, nagpaabot ng tiwala si Mendoza na mas mapabibilis ang pagresolba sa mahigit 30,000 backlog na petisyon at mosyon sa LTFRB.
Kasabay nito, tiniyak ng LTFRB, sa ilalim ng paggabay ni Secretary Lopez, na patuloy ang pagtutok sa mga programang layong gawing mas episyente, maaasahan, at makatao ang sistemang pampublikong transportasyon sa bansa. (Mina Paderna)
