May 16, 2024

LORENZANA SUMAILALIM SA SELF-QUARANTINE MATAPOS MAGPOSITIBO ANG AIDE SA COVID-19

MULING sumailalim sa self-quarantine at isolation ngayon si Defense Secretary Delfin Lorenzana.

Ito’y matapos kumpirmahin ni Lorenzana na isa sa kaniyang mga staff ang nagpositibo sa Covid-19 virus.

Ayon kay Lorenzana, kahapon lang nakumpirma ng kaniyang staff na positibo ito sa Covid-19 mula nang magpa-swab test nuong July 10,2020.

Sinabi ng kalihim na kasama pa niya ito sa ilang mahahalagang event tulad ng Commissioning ng BRP Jose Rizal sa Subic, Zambales at kasama pa niya ito patungong Jolo at pabalik ng Maynila kahapon.

Pero wala ang nasabing staff sa event mismo ni Pang. Rodrigo Duterte.

Dahil dito, sinabi ni Lorenzana na ipinabatid na sa lahat ng kanilang nakasalamuha na magsagawa ng kaukulang hakbang at magpa-test upang malaman kung nahawa sila o hindi ng COVID- 19.

Inihayag ng kalihim na wala naman siyang naramdaman na mga sintomas ng Covid-19 ” I have no symptoms. Waiting for results. I just had the swab this morning and will self quarantine to await results,” mensahe ni Sec Lorenzana.