
PILILLA, RIZAL — Tiklo ang isang 66-anyos na step grandfather matapos alukin ng P2,000 ang kanyang apo kapalit ng pagtulog sa kanyang kuwarto—at tinutukan pa ito ng baril nang tumanggi.
Sa ulat ng Pililla Municipal Police Station, dakong alas-10:30 ng gabi nitong Hunyo 7, 2025, nang maganap ang kabastosang insidente sa Sitio Labong, Brgy. Halayhayin.
Kinilala ang suspek na si Enteng, magsasaka at residente sa nasabing lugar, habang ang biktima ay si Shane, 18-anyos na Grade 11 student.
Ayon sa imbestigasyon, lasing daw si Enteng nang tawagin si Shane papasok sa kanyang bahay. Pagpasok ng dalagita, walang kaabog-abog na inalok siya ng P2,000 basta’t pumayag itong tumabi sa kama ni lolo.
Pero nang tumanggi ang dalagita, bigla raw bumunot si Enteng ng baril mula sa baywang at tinutukan si Shane, sabay bantang papatayin kung magsusumbong sa kanyang ina.
Hindi natinag si Shane—agad siyang nagsumbong sa kanyang nanay na si Bernadette Tapel, na dumiretso sa presinto para humingi ng tulong.
Agad namang rumesponde ang mga pulis at naaktuhang nasa bahay pa si Enteng. Naaresto ito on the spot at nakumpiska ang baril na ginamit sa pagbabanta.
Isinagawa ang imbentaryo ng ebidensiya sa mismong lugar ng insidente ni PSSg Jerome Delica, sa harap ng biktima, suspek, at Barangay Kagawad Gerardo Tibay.
Dinala si Enteng sa Ynares Municipal Hospital sa Jalajala para sa medical check-up bago tuluyang ikulong.
Kakasuhan ang lolong manyak ng Grave Threats (Art. 282 ng RPC), paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms Law), at Omnibus Election Code dahil sa pagkakaroon ng armas sa gitna ng election period.
