ISANG 78-anyos na lolo ang namatay matapos pagbabarilin ng hindi kilalang suspek na nagpanggap pa umanong pilay sa Malabon City, Linggo ng umaga.
Nalagutan ng hininga sa pinangyarihan ng insidente sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa likod ang biktima na kinilala bilang si Reynold Zuniega, 78, biyudo ng No. 469 Aljiezera, Sampaloc, Manila.
Sa report nina PSSg Bengie Nalogoc at PCpl Renz Marlon Baniqued kay Malabon police chief P/Col. Amante Daro, dakong alas-5:58 ng umaga nang maganap ang insidente sa Borja Street, Barangay Baritan, ng lungsod.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, naglalakad ang biktima sa kahabaan ng C. Arellano Street nang sundan ng suspek at pa-traidor na binaril sa likod subalit, hindi tinamaan.
Tumakbo ang biktima patungo sa Borja Street subalit, hinabol siya ng suspek at muling pinagbabaril ng apat na beses sa likod na nagresulta ng kanyang agarang kamatayan.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek sa hindi matukoy na direksyon dala ang ginamit na baril habang narekober ng pulisya sa crime scene ang apat na basyo ng cal. 45 baril at dalawang tungkod ginamit ng suspek.
Patuloy naman ang follow-up imbestigasyon ng pulisya para sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa suspek na nasa 30 ang edad, nakasuot ng itim na jacket na may hood, pulang t-shirt at itim na jogging pants habang inaalam pa ang tunay na motibo sa pagpatay sa biktima.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA