July 3, 2024

Lola sumalubsob nang batukan | SIGA NA GINANG KULONG

ARESTADO ang isang ginang matapos batukan hanggang mangudngod ang isang lola at pagsusuntukin ang isa pang babae sa Valenzuela City, kahapon ng tanghali.

Kinasuhan ng two counts ng Slight Physical Injuries and Maltreatment at paglabag sa Valenzuela City Ordinance No. 158 Series of 2014 (An Ordinance Providing Protection Program Against Elderly Abuse and Redefining Their Rights Thereof) si Margie Ongcangco Cruz, 45, ng Block 5 Lot 10, De Gula Compound, Barangay Gen T. De Leon, Valenzuela City.

Ayon sa pulisya, alas-12 ng tanghali nang biglang binatukan ng suspek hanggang masubasob si Luzviminda Mouna Pineda, 62, ng  98 Ilang-Ilang St. Brgy. Karuhatan habang naglalakad sa Karuhatan Market sa Karuhatan Road.

Kasunod nito ay pinagsusuntok din ng suspek si Beberly Bitangcor Sabalande, 29, ng 1078 Sta Rita St., Brgy. Malinta, na naroon din sa pamilihan.

Humingi ng tulong ang mga biktima sa mga tanod ng Barangay Karuhatan at pulisya na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.

(JUVY LUCERO)