May 1, 2024

LIZA MARCOS KAY VP SARA: BAD SHOT NA ‘YAN SA ‘KIN

Aminado si First Lady Liza Araneta-Marcos na masama ang loob niya kay Vice President Sara Duterte matapos ang naging drug accusations ng pamilya ng huli laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ayon sa First Lady, nasaktan siya nang dumalo si Duterte sa rally kung saan tinawag niya ang Pangulo na “bangag”.

“For me, nasaktan ako because my husband will do everything to protect you. You ran together ‘di ba—sama sama tayong babangon muli,” ayon kay Liza Marcos.

“Pupunta ka sa rally, tatawagin ‘yung Presidente mong ‘bangag,’ ‘di ba, you’re going to laugh? Tama ba ‘yan? Even Leni [Robredo] never did that,” dagdag niya.

Matatandaan noong Enero, tinawag na bangag si Marcos ng tatay ni Sara na si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa prayer rally sa Davao City.

Inakusahan din ng ex-President na nasa watchlist ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) si Marcos – na itinanggi naman ng PDEA.

Maging ang Philippine National Police (PNP) ay nagsabi na hindi nila nakita ang pangalan ng pangulo sa anumang dokumento o listahan na nagsasaad na sangkot ito sa illegal na droga.

Isang buwan ang lumipas, binawi ni dating Pangulong Duterte ang kanyang pahayag laban kay Marcos at itinanggi na hindi niya inakusahan ang huli na drug addict.

Kaya naman nang tanungin kung wala na bang chance na makaayos sila ni Sara, sagot ni Liza, “Bad shot na ‘yan sa ’kin.”