KAPAG naaprubahan na ng Kongreso ang paggamit ng medical cannabis o marijuana, maraming pasyente ang maliligtas ang buhay o mapahaba ito, ayon sa isang medical expert.
Kahit na sabihing mabalakid ang pagsulong sa legalisasyon ng paggamit ng kontrobersiyal na marijuana, parami pa rin ng parami ang nagsusulong dito, kabilang na si Dr. John Ortiz Teope, isang researcher, kritiko, political analyst, media practitioner at secretary general ng TIMPUYOG Philippines, isang samahan o organisasyon na nagsisilbing “think tank at bukas gumawa ng mga suhestiyon” para sa mga sumusuporta sa legalisasyon ng paggamit sa medical cannabis.
Ayon naman kay Dr. Richard Nixon Gomez, inventor, scientist at general manager ng Bauertek Corporation, isang research, development and manufacturing company sa Guiguinto Bulacan, ibinulgar nito na isang pasyenteng Pilipino lamang ang nabigyan ng special permit ng Food and Drug Administration (FDA) para bumili ng gamot mula sa medical cannabis, sa ibang bansa.
Gayon pa man, hindi pa ito nakakabili hanggang ngayon dahil sa napakamahal nitong presyo na nagkakahalaga ng P1.7 milyon para sa isang pasyente lamang. Nagtataka si Gomez kung ano ang pumipigil sa Kongreso na payagan na ang pagsagawa ng gamot mula sa katas ng marijuana gayong marami ng mga mambabatas at samahan ng mga doktor ang sumusuporta sa legalisasyon nito. Isang pag-aaral din sa Harvard University ang nagpapatunay na ligtas itong gamitin bilang gamot sa iba’t-ibang karamdaman.
Si Teope ay special guest sa lingguhang Media Health Forum ng Bauertek Corporation at ang mga beteranong broadcast journalist na sina Rolando ‘Lakay’ Gonzalo at Edwin Eusebio ang host.
Ibinalita ni Gomez na galing siya sa Sacramento California upang mag-tour sa isang pasilidad doon na gumagawa ng gamot mula sa medical cannabis at binanggit nitong higit pa ang magagawa ng Bauertek Corp., kung papayagan na ng Kongreso na maisabatas ang legalisasyon ng paggamit ng marijuana. May siyam na panukalang-batas ang ngayon ay nakabinbin sa Kongreso.
Ayon kina Gomez at Teope, may 60 bansa na ang gumagamit ng medical cannabis at anila’y maiiwan sa kangkungan ang Pilipinas kung patuloy ang pagkontra ng iilan. Sinabi ni Teope na kailangan ng mag-ingay ng mga Pilipino upang lubos na maunawaan ng mga kinauukulan ang benepisyo at kahalagahan ng paggamit ng medical marijuana bilang gamot.
More Stories
MGA MAYOR SA RIZAL SUPORTADO SI CHAVIT SINGSON
6 tulak, nadakma sa higit P.2M shabu sa Navotas
Higanteng Christmas tree sa Araneta City pinailawan